Daughters of Saint Paul

Disyembre 14, 2017 Huwebes sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento

MATEO 11:11-15

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Talagang sinabi ko sa inyo, walang sinumang kilalang tao ngayon ang mas dakila pa kay Juan tagabinyag, pero mas dakila pa sa kanila sa kanya ang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Mula sa panahon ni Juan Bautista hanggang ngayon, ang Kaharian ng Langit ay marahas na sumusulong at mga maylakas ang silang umaagaw nito. “Pagpopropesiya nga lamang ang panahon ng Mga Propeta at ng Batas hanggang kay Juan. At gusto n’yo itong tanggapin, si Juan ang Elias na darating. Makinig ang may tainga.”

PAGNINILAY

Mga kapanalig, sino ba ang ating mga idolo?  Sigurado ako marami sa atin, ituturo ang mga kilalang personalidad na madalas makita sa TV, sa sine, sa billboards o kaya sa cover page ng mga magazines at pahayagan.   O di kaya ang mga tauhan sa mga paborito nating telenobela. Kung kikilalanin natin ang kanilang tunay na buhay – talaga kayang karapatdapat silang hangaan at gawing huwaran ng ating buhay?  Sa Ebanghelyong ating narinig, iminungkahi ni Jesus na gawin nating huwaran si Juan Bautista.  Isang matapang na tao si Juan. Ipinahahayag niya ang Mabuting Balita ng Diyos hindi lamang sa kanyang mga salita kundi pati na rin sa gawa.  Huwaran siya ng tunay na kapakumbabaan.  Hindi kailanman man inangkin ni Juan ang parangal at maling akala ng mga tao na siya ang Mesiyas.  Ang lahat ng kanyang mga ginagawang paghahanda sa mga tao –patungkol lahat sa darating na Mesiyas.  Sa halip na ipresenta ang sarili sa mga tao na siya ang gawing huwaran – si Jesus ang ipinapalaganap niyang gawin nating idolo sa buhay na ito. Mga kapanalig, ngayong panahon ng Adbiyento paano ba natin inihahanda ang daraanan ng Panginoon papasok sa ating tahanan, lalo na sa ating mga puso?  Higit sa panlabas na paghahanda – paggayak ng ating tahanan, paglagay ng Christmas tree, Christmas lights at kung anu-ano pang palamuti; pagbalot ng mga regalo para sa kamag-anak, kakilala at inaanak – inihahanda din ba natin ang ating puso sa pagdating ng Panginoon?  Nakakalungkot isipin na minsan, nagiging masyado tayong abala sa mga panlabas na paghahanda at nilalamon ng kabi-kabilang parties at reunions ang ating schedule–kung kaya’t nakakaligtaan na ang pinaka-dahilan ng pagdiriwang ngayong kapaskuhan –si Kristo.  Mga kapanalig, tularan natin si Juan Bautista – laging nakatuon sa Panginoong Jesus, ang puno’t-dulo, ang sentro ng ating pagdiriwang ngayong kapaskuhan.