Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 14, 2019 – SABADO SA IKA-2 LINGGO NG ADBIYENTO

EBANGHELYO: Mt 17:9, 10-13

Tinanong si Jesus ng mga alagad: “Bakit sinasabi ng mga guro ng Batas na dapat munang pumarito si Elias?” Atsumagot si Jesus: “Dapat nga munang dumating si Elias para ayusin ang lahat ng bagay. Ngunit sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias pero hindi nila siya nakilala, at pinakitunguhan nila siya ayon sa kanilang kagustuhan. At gayon ding paraan magdurusa ang Anak ng Tao sa kamay nila.” At naunawaan ng mga alagad na si Juan Bautista ang tinutukoy ni Jesus.

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Bro. Mark Puyong ng Society of St. Paul.  Sa panahon ngayon, masasabi nating isa sa nagiging problema nating mga mananampalataya, ang pagiging manhid sa mga kaganapan sa ating buhay at sa mga taong nakasalamuha natin. Nakakaligtaan na nating bigyang pansin ang mga ordinaryong kaganapan na maaring makapagbigay sa atin ng magagandang aral. At kung minsan, ‘di natin nakikitaan ng halaga ang mga ordinaryong tao na nakakasalumuha natin, (ang mga pulubi sa daan, ang mga matatanda sa bus, at ang mga taong umaasa sa ating pagkalinga’t pagmamahal). Sa mga kabataan, inuuna natin kung ano ang uso, kung ano ang “trending”, at kung ano ang nakasanayang gawin ng nakararami. Nagiging manhid tayo sa mga aral na nais ibahagi ng mga taong nagmamahal sa atin. Nakakalimutan natin ang ating gampanin sa Diyos at sa kapwa. Sa ebanghelyo ngayon, tinanong si Hesus ng kanyang mga alagad kung bakit dapat munang mauna/pumarito si Elias bago Siya. Sumagot si Hesus, “…sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias pero hindi nila siya nakilala, at pinakitunguhan nila siya ayon sa kanilang kagustuhan.” Si Juan Bautista ang tinutukoy ni Hesus dito. Mga kapatid, inaanyayahan tayo ni Hesus na maging sensitibo lalo na sa mga bagay na patungkol sa Kanya. Huwag tayong magpadala sa sistema ng kung ano ang nauuso, dahil lahat ng nauuso’y lumilipas maliban sa salita ng Diyos. Maging sensitibo nawa tayo at makibahagi sa paghahanda ng daan para kay Hesus. Inaanyayahan tayong tularan si Juan Bautista. Hangarin natin ang paghahanda ng daan para kay Hesus nang sa gayon maipadama natin ang presensiya ni Hesus sa mga taong nananabik sa Kanya. At kung tayo’y maninindigan tulad ni Juan kakaharapin natin ang maraming pagsubok, paghihirap at mga pagtutol mula sa ibang tao na ‘di pa naliliwanagan. Isipin na lang natin na sa lahat ng paghihirap at hamon ng buhay mayroong tagumpay kung kasama natin si Hesus at hangad natin lagi ang kalooban ng Diyos. Amen.