Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 14, 2020 – LUNES SA IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO

EBANGHELYO: Mt 21:23-27

Pagpasok ni Jesus sa Templo, lumapit sa kanya ang mga Punong-pari, mga guro ng Batas at mga Matatanda ng mga Judio, at nagtanong: “Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagtalaga sa iyo?” Sinagot sila ni Jesus: “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong. At kung may sagot kayo, sasagutin ko kayo kung sino ang nagtalaga sa akin para sa mga ito. Saan galing ang pagbibinyag ni Juan, sa Diyos ba o sa tao?” At nag-isip-isip sila: “Kung isasagot nating galing sa Diyos, sasabihin niya: ‘Bakit di kayo naniwala ka kanya?’ At kung sasabihin naman nating galing lamang sa tao ang pagbibinyag ni Juan, dapat tayong matakot sa bayan sapagkat akala nila’y tunay na propeta si Juan.” Kaya sinabi nila kay Jesus: “Hindi namin alam.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagtalaga sa akin na gumawa ng mga ito.”

PAGNINILAY

May dalawang pangunahing dahilan kung bakit tayo nagtatanong.  Una, upang matuto; at ang ikalawa, upang ipamukha sa tinatanong na wala siyang alam at nang sa gayo’y mapahiya.  Mabuti ang motibo nang una, ang ikalawa naman, masama.  Sa tagpong narinig natin sa Ebanghelyo ngayon, malinaw na gusto lamang subukan si Jesus ng mga nagtanong sa Kanya.  Pero, nababatid ni Jesus ang motibo ng kanilang puso – kaya, ibinalik niya sa kanila ang katanungan.  Mga kapatid, sa ating mga pagtatanong, suriin nating mabuti ang ating motibo.  Ito ba’y nagmumula sa pagnanais na malaman ang katotohanan o kaya maragdagan ang kaalaman? O gusto lamang nating magpapansin o magpakitang gilas na may alam tayo?  Sa ating pakikitungo sa Panginoon, taos ba talaga ang pananalig natin sa Kanya o naalaala lamang natin Siya sa tuwing tayo’y may mabibigat na problema?  Kapatid, nababatid ng Panginoon ang tunay na nilalaman ng ating puso.  Wala tayong maililihim sa Kanya.  Hilingin natin ang biyayang pakabanalin tayo sa buhay na ito at maging laging handa sa Kanyang pagdating.  

PANALANGIN

Panginoon, kasihan Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang sikapin kong laging mabuhay sa kabanalan at manindigan sa katotohanan.  Paunlarin Mo po ang aking mga paghahandang espiritwal nang maging karapatdapat ako sa Iyong pagdating.  Amen.