Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 14, 2021 – MARTES SA IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO | San Juan de la Cruz, pari at pantas ng Iglesya

Mapagpalang araw ng Martes sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento.  Ika-labing apat ngayong ng Disyembre, kapistahan ni San Juan de la Cruz, pari at pantas ng Simbahan mula sa orden ng mga karmelitano.  Katuwang ni Santa Teresa ng Avila, nireporma nila ang Orden ng mga Karmelitano at naitatag nga ang Discalced Carmelites.  Siya ang patron ng buhay pagninilay, ng mga mistiko, at ng mga manunulat sa Espanya. Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito at sa tulong ng kanyang panalangin, hilingin nating mapanindigan ang pagsagot natin ng “Oo” o “hindi” sa mga hinihiling sa atin.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Mateo kabanata dalawampu’t isa, talata dalawampu’t walo hanggang tatlumpu’t dalawa.  

EBANGHELYO: Mt 21:28-32

Nagpatuloy si Jesus: “Ano sa palagay n’yo? May dalawang anak ang isang tao. Lumapit siya sa isa at sinabi: ‘Anak, pumunta ka ngayon at magtrabaho sa aking ubasan.’ Sumagot ang anak: ‘Ayoko.’ Ngunit pagkatapos ay nagbagong-isip siya at pumunta. Pinuntahan din ng ama ang pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot naman ang anak: ‘Opo.’ Pero hindi siya pumunta. At tinanong sila ni Jesus: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng ama?” “Ang una.” “Talagang sinasabi ko sa inyo: mas nauuna sa inyo patungo sa Kaharian ng Langit ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Dumating nga si Juan para ipakita sa inyo ang daan ng kabutihan subalit hindi kayo naniwala sa kanya, samantalang naniwala naman ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Nakita n’yo ito at hindi kayo nagsisi o naniwala sa kanya.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Narci Peñaredonda ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo.  May mga taong sumasagot agad kapag may hinihiling sa kanya at mayroon namang nagninilay muna bago sumagot. Sa Mabuting Balita natin ngayon, ang dalawang anak na inutusan ng kanilang ama na magtrabaho sa ubasan ay parehong sumagot agad pero kabaligtaran ng sagot nila ang kanilang ginawa. Iyong nagsabing hindi siya magtatrabaho sa ubasan, sa kalaunan nagpunta at nagtrabaho sa ubasan. Iyon namang sumagot ng oo ay hindi nagpunta. Karaniwang nilalagyan natin sila ng label: Masunurin o hindi masunurin ang anak na ito.  Katulad ng iba sa atin, malimit sumasagot tayo ng oo, pero hanggang salita lamang tayo. May ilan naman sa atin na kahit sumagot ng hindi, pinag-iisipan at pinagninilayan nila kung ano ang kalooban ng kanilang magulang at sa kalaunan susundin nila ang utos ng mga ito. Ipinahihiwatig ng pagsasalarawang ito, ang karanasan ng pagbabago; karanasan ng pagyakap sa kalooban ng Ama sa halip na ang gusto natin ang sundin. (Mga kapatid, ipinapakita sa atin ng Mabuting Balita ngayon na ang pagsunod sa utos ng ating mga magulang ay pagsunod din sa kalooban ng Diyos. At sa maraming pagninilay na/ na ating napakinggan, ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ang pinakamahalagang karanasan ng conversion.)   Mga kapatid, ang karanasan ng pagbabago ay nagsisimula sa pakikinig sa sinasabi ng ating puso, dahil sa puso natin nagsasalita ang Diyos. Itinuturo sa atin ng Mabuting Balita na pakinggan natin ang ating Diyos Ama at tuklasin natin ang kalooban Niya. Sikapin natin itong gawin upang lumago tayo sa pakikipag-ugnayan sa Kanya bilang mga anak Niya. 

PANALANGIN

Banal na Espiritu, nais naming maging mga masunuring anak ng aming Amang nasa langit. Gabayan mo kami sa araw-araw naming pagkilatis, pagpili at pagsasabuhay ng mga bagay at gawaing kalugud-lugod sa Kanya. Amen.