Daughters of Saint Paul

Disyembre 14, 2024 – Sabado | Paggunita kay San Juan de la Cruz, pari at antas ng Simbahan

Ebanghelyo:  MATEO 17,9a, 10-13

Tinanong si Hesus ng mga alagad: “Bakit sinasabi ng mga guro ng Batas na dapat munang pumarito si Elias.” At sumagot si Hesus: “Dapat nga munang dumating si Elias para ayusin ang lahat ng bagay. Ngunit sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias pero hindi nila s’ya nakilala at pinakitunguhan nila s’ya ayon sa kanilang kagustuhan. At gayon ding paraan magdurusa ang Anak ng Tao sa kamay nila.” At naunawaan ng mga alagad na si Juan Bautista ang tinutukoy ni Hesus.

Pagninilay:

Inihalintulad ng ating Hesus Maestro si Juan Bautista kay propeta Elias bilang tagahimok, sa kanyang salita at gawa, sa bayan ng Diyos na magbalik-loob. Ngayong Advent, mas malakas ang alingawngaw sa panawagan ng interior repentance. Ayon nga sa Katesismo, ito ang radikal na pagbabago ng direksyon ng bawat nilalang. Ito ang pagbabagong-loob. Hindi lang ito pagpihit ng 180 degrees kundi pagkasuklam sa lahat ng masamang nagawa.

Kapanalig, nangangailangan ng propeta ang bawat isa sa atin upang magpaalala kung sakaling nahuhulog na tayo sa patibong. Malaking bagay ito sa personal na pakikipag-ugnayan natin sa Panginoon. Dahil kung tahasan tayong tumatalikod at winawalang-bahala ang Diyos, baka sa nakakasunok na tambakan ng basura tayo mapabilang. Kaya sa panawagan na maging tagapagpahayag ng kalooban ng Diyos, tumalima tayo. Tulungan natin ang ating kapitbahay, kamag-anak o kaibigan na magbalik-loob. At tayo rin mismo, magsumikap na maging buhay na saksi ng pagbabalik-loob. I-claim natin ito bilang special mission.

Ngayong Adbiyento ay panahon ng pagbabalik-loob, sakto ang gift sa atin ng Final Document ng Synod of Synodality. Hinango ito noong nakaraang buwan sa pamumuno ni Pope Francis kasama ang mga pinili ng Bishops’ Conferences, at Eastern Catholic Churches, mga administrative institutions sa Vatican, mga kababaihan, at iba pang mga delegates mula sa iba’t ibang sektor ng ating Simbahan. Laman ng Final Document ang Conversion. Sa kanilang discernment sa pagpapanibago ng ating Simbahan, tayo rin ay may share dito. Malamang na isa ka sa tinanong ng iyong pananaw at evaluation tungkol sa ating Simbahan. Ayon sa Final Document, hinihimok tayong lahat na magbalik-loob sa tulong at biyaya ng Banal na Espiritu. Pagbabalik-loob sa Pakikipag-ugnayan, Pagbabalik-loob sa mga Decision-making processes, at Pagbabalik-loob sa Pakikipagbuklod lalo na ang mga konkreto at epektibong paraan ng pagiging katiwala. Sa ganitong paraan ng ating pamumuhay, matutunghayan sa atin ang pagiging new Advent Prophets. Handa ka na ba sa special mission na ito?