MATEO 11:16-19
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Ngayon kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan? Para silang mga batang nakaupo sa plasa at nagkakantahan, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: Tinugtog namin ang plauta para sa inyo pero ayaw n’yo sumayaw, at nang umawit naman kami ng malungkot na awit, ayaw n’yo ring umiyak! Ganito rin ang nangyayari: Dumating muna si Juan na nag-aayuno, at sabi ng tao: ‘Inaalihan siya ng demonyo. At saka dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiiom, at ang sabi ng tao: “Lasenggo at matakaw, kaibigan ng mga publikano at mga kasalanan! Gayon pa man, magaling ang karunungan ng Diyos sa mga gawa nito.”
PAGNINILAY
Mga kapanalig, napakadaling magreklamo, di ba? Nahuhuli mo ba ang sarili mong nagrereklamo sa mga bagay na wala ka namang control? Katulad ng mabigat at gitgitang trapiko sa kalsada, mainit na panahon, o kaya walang humpay na pagbuhos ng ulan, ang bigla-biglang pagdating ng sakuna, ang di mapigilang pagtanda natin sa paglipas ng mga araw at marami pang iba. Ito ang mga bagay na wala talaga tayong control. Kung tayo’y magagalit at magrereklamo sa Diyos, pakikinggan kaya N’ya tayo? O kung tayo’y di titigil sa kasasalita para ipalabas ang ating reklamo – di ba mas lalo lamang bibigat ang ating dibdib, kukunot ang ating noo at mas mapapabilis ang ating pagtanda. Mga kapanalig, sa tuwing tayo’y nagrereklamo, tayo ang lugi dahil hindi lamang tayo tatanda ng maaga, nagiging dahilan din ito ng ating pagkakasakit. Kaya sa tuwing nahaharap tayo sa mga sitwasyong wala tayong control, matuto tayong magpakumbaba at isuko sa Diyos ang mga bagay na higit sa ating makakaya. Matuto tayong tanggapin nang mapayapa ang mga pangyayaring dumarating sa ating buhay araw-araw – masaya man ito o malungkot, naging matagumpay man tayo o bigo – dahil ang lahat nang ito’y bahagi ng buhay. Sa halip na malungkot at magreklamo tayo sa mga di kanais-nais na pangyayaring dumarating sa ating buhay, bakit di natin subukang tingnan ang positibong aspeto nito. Dahil maging sa mga tila negatibong pangyayari sa ating buhay – may mensaheng nais ipaabot ang Diyos sa atin.