EBANGHELYO: Mt 21:28-32
Nagpatuloy si Jesus: “Ano sa palagay n’yo? May dalawang anak ang isang tao. Lumapit siya sa isa at sinabi: ‘Anak, pumunta ka ngayon at magtrabaho sa aking ubasan.’ Sumagot ang anak: ‘Ayoko.’ Ngunit pagkatapos ay nagbagong-isip siya at pumunta. Pinuntahan din ng ama ang pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot naman ang anak: ‘Opo.’ Pero hindi siya pumunta. At tinanong sila ni Jesus: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng ama?” “Ang una.” “Talagang sinasabi ko sa inyo: mas nauuna sa inyo patungo sa Kaharian ng Langit ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Dumating nga si Juan para ipakita sa inyo ang daan ng kabutihan subalit hindi kayo naniwala sa kanya, samantalang naniwala naman ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Nakita n’yo ito at hindi kayo nagsisi o naniwala sa kanya.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Sa narinig nating Ebanghelyo, di ba pareho nagdulot ng alalahanin sa ama ang dalawang anak? Yong unang anak sa parabola ni Jesus ay sumagot ng hindi, pero pumunta. Yong pangalawa naman sumagot ng oo, pero hindi pumunta. Pinuri lamang ang una, dahil nagbago ito ng kalooban at sumunod sa utos ng ama. Malinaw ang ibig ipahiwatig sa’tin ni Jesus sa Ebanghelyo. Mauunang pumasok sa kaharian ng Diyos ang mga makasalanan na nagsisisi, kaysa mga nagmamalinis na saserdote at matatanda ng bayan, kapag patuloy silang nagbulag-bulagan at tumanggi sa katotohanang dala ni Jesus. Kapatid, hindi lamang para sa kanila ang parabolang ito, para rin ito sa atin. God is asking us here two things: consistency and repentance. Consistent tayo, kung nagtutugma ang ating salita sa ating ginagawa at kung nasasalamin sa ating pamumuhay ang ating mga itinuturo. Nakakalungkot dahil minsan, hindi tayo consistent. Kaya ang pangalawang hinihingi sa atin ng Diyos ay repentance o pagsisisi, at pagbabalik-loob sa kanya. Gaya ng unang anak sa parabola ni Jesus, inaanyayahan niya tayong magsisi, sa mga pagkakataong tinalikuran natin ang Diyos, at hindi sinunod ang kanyang kalooban. Kapatid, ito ang gawain ng Banal na Espiritu sa ating buhay, ipaunawa sa atin ang ating kasalanan, upang tayo’y makapagsisi at makapagbalik-loob sa Diyos.