BAGONG UMAGA
Magandang-magandang araw ng Biyernes sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento. Purihin ang Panginoon sa patuloy nating paghahanda sa Kanyang pagdating. Kamusta na po ba ang mga preparasyong ginagawa natin sa papalapit nang Pasko? Sana’y nakatutugon tayo sa panawagan ng mga pagbasa ngayong panahon ng Adbiyento, na ihanda ang ating puso sa pagdating ng Panginoon. Gawin itong malinis at karapatdapat panahanan ng Banal na Espiritu. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Maririnig natin ang pagtatanong, at tila pagkalito ng Panginoong Hesus, dahil hindi Niya na maunawaan ang gusto, at mga ikinikilos ng mga tao sa kasalukuyan, Pakinggan natin ito sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labing-isa talata labing-anim hanggang labing-siyam.
EBANGHELYO: Mt 11:16-19
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan? Para silang mga batang nakaupo sa plasa at nagkakantahan, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: ‘Tinugtog namin ang plauta para sa inyo pero ayaw n’yo sumayaw, at nang umawit naman kami ng malungkot na awit, ayaw n’yo rin namang umiyak!’ Ganito rin ang nangyari: Dumating muna si Juan na nag-aayuno, at sabi ng mga tao: ‘Inaalihan siya ng demonyo.’ At saka dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiiom, at ang sabi ng mga tao: ‘Lasenggo at matakaw, kaibigan ng mga publikano at mga kasalanan!’ Gayon pa man, magaling ang karunungan ng Diyos sa mga gawa nito.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Oliver Vergel Par ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Simula pa noong una, gumagawa na ang Diyos ng paraan upang lubusan natin Siyang makilala, at maintindihan ang Kanyang kalooban. Nagpadala Siya ng mga propeta, gaya ni Juan Bautista, upang direkta nating marinig ang kanyang mga salita. Nais Niya ring pagsisihan natin ang ating mga kasalanan, nang sa gayo’y mapanumbalik natin ang ating magandang relasyon sa Kanya. Pero, marami pa rin sa atin ang hindi nakinig! Sa kabila ng ating kawalang paki at tila pagwawalang bahala sa Kanyang efforts, hindi tayo sinukuan ng Diyos. Sa sukdulan ngang pagmamahal Niya sa atin, pati ang Kanyang nag-iisa at pinakamamahal na Anak na si Hesus ay Kanya nang ipinadala sa atin. Sa pamamagitan ni Hesus, naging malinaw na sa atin ang paraan at ang daan, patungo sa ating kaligtasan, patungo sa Diyos. Kaya’t, mga kapatid, nasa sa ating mga kamay na ngayon ang desisyon: Magpapatuloy ba tayong magbibingi-bingihan? O buong katapatan na nating tatanggapin at isasabuhay ang mga aral at utos ni Hesus?
PANALANGIN
Panginoon, palambutin Mo ang matigas kong puso. Nawa’y talikdan ko na ang kasalanan at manatili na akong tapat sa Iyo hanggang sa oras ng aking kamatayan. Amen.