Daughters of Saint Paul

Disyembre 15, 2024 – Linggo | Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K)

Ebanghelyo:  LUCAS 3:10-18

Tinanong si Juan ng maraming tao: “Ano ngayon ang aming gagawin?” “Ang may dalawang balabal ay magbigay sa taong wala, at gayon din ang gawin ng may pagkain.” Pinuntahan siya pati ng mga maniningil ng buwis para magpabinyag at sinabi sa kanya: “Guro, ano ang aming gagawin?”: “Huwag kayong maningil ng higit sa ipinag-uutos sa inyo.” Nagtanong din sa kanya ang mga sundalo: “Ano naman ang gagawin namin?” At sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong mangikil o magparatang nang di totoo kanino man; masiyahan na kayo sa inyong suweldo.” Nananabik noon ang mga tao at nag-isip-isip ang lahat kung hindi nga kaya si Juan ang Mesiyas. At sumagot si Juan sa pagsasabi sa kanilang lahat: “Nagbibinyag ako sa inyo sa tubig pero dumarating na ang isang mas makapangyarihan sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Sa Espiritu Santo at apoy niya kayo bibinyagan. Siya ang nakahandang magtahip sa lahat ng butil ng trigo. Iipunin niya ang lahat ng butil sa kanyang kamalig pero sususnugin ang mga ipa sa apoy na walang hanggan.” Sa pamamagitan nito at sa iba pang pangangaral nagturo si Juan sa bayan.

Pagninilay:

Isinulat po ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang ating pagninilay.

Sino ang tunay na Kristiyano? Siya ba ang binyagan? Siya ba yung nagsisimba? Siya ba yung nagbabasa ng bibliya? Sino nga ba?

One thing for sure mahalaga ang mabinyagan, ang magsimba, at ang magbasa ng bibiliya. Lahat ng mga ito ay mahahalaga. Mga BASICS ika nga!!! Saludo ako sa mga gumagawa nito lalu’t lalo na kung lagi itong ginagawa. Pero huwag isantabi ang dahilan at hamon kung bakit ginagawa ang mga ito. Ito ang magkaroon ng PAKI at ALAM.

Isang araw, may isang binata ang sumakay ng LRT sa may Baclaran. Fortunately, may naupuan siya. Sa pag-andar at sa tuwi-tuwinang pagtigil ng LRT ay unti-unting napuno ito, hanggang nakatayo na ang karamihan. Sa muling pagtigil ng LRT, may sumakay na isang matandang babaeng mabibigat ang dala-dala. Gayunpaman, wala ni isa mang nagbigay ng mauupuan sa kanya. Hanggang, nakuntento na lamang siyang tumayo sa harap ng binata. Nagkunwaring natutulog naman ang binata at pinikit ang kanyang mga mata. Bakit? Kasi ayaw niyang makita ang matanda!

Ganyan tayo minsan. Nakikita natin ang pangangailangan pero nagtutulug-tulugan o nagbubulag-bulagan tayo. Walang pakialam. Alam nga, pero wala namang paki!

Ang pagiging Kristiyano ay hindi lamang ang magampanan ang mga basics ng pananampalataya. Nag-lelevel up din ito. Sabi nga ni San Juan Bautista sa ating Ebanghelyo, “Sinumang mayroong dalawang balabal, ibigay mo ang isa sa wala. Gayundin ang gawin ng sinumang may pagkain.” Ibig sabihin ang pagiging Kristiyano ay nabubuhay nang may pananagutan. 

Gaudete Sunday ngayon. At tulad ng sinasabi ng pagdiriwang na ito, magalak tayo dahil malapit nang isilang si Jesus. Nawa’y magkaroon tayo ng paki at alam. Dahil ang tunay na Kristiyano ay hindi lamang nabubuhay na mulat o alam ang pangangailangan ng kapwa, kundi ang may pagmamalasakit o PAKI. Mag-alay nawa tayo ng ating panahon o kakayahan o ng ating kayamanan sa ating nagdarahop na kapwa. Tandaan natin: hindi lamang nag-katawang-tao: si Jesus. Pinadama niya ang paghahari ng Diyos nang may PAKI at ALAM.

Happy Gaudete Sunday sa ating lahat.