Jn 5:33-36
Sinabi ni Jesus sa nga Judio: “Nagpasugo rin kayo kay Juan at binigyang-patotoo niya ang katotohanan. Ipinaaalala ko ito para maligtas kayo; ngunit hindi ko hangad ang patotoong mula sa tao. Isa nga siyang ilaw na may sindi at nagningning, at ginusto n'yong magalak pansamantala sa kanyang liwanag.
“May patotoo naman ako na higit pa sa kay Juan: ang nga gawang ibinibay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon. Ang mga gawang ginagawa ko ay nagpapatotoo na sinugo ako ng Ama.”
PAGNINILAY
Likas sa ating mga tao ang maghanap ng katibayan sa isang pangyayaring hindi natin nakita, bago ito paniwalaan. Humahanap tayo ng mga kapani-paniwalang taong magpapatotoo na tama ang mga balitang ating nasagap. Sa Ebanghelyong ating narinig, si Juan Bautista ang nagpatotoo sa mga kabutihang ginawa ng ating Panginoong Jesukristo. Siya ang nagmulat sa mga Judio tungkol sa mabubuting gawain ni Jesus. Pero, sinabi ni Jesus na higit sa patotoong ginawa ni Juan Bautista, ang Kanyang mga ginawa mismo bilang pagtupad sa utos ng Ama, ang magpapatotoo na Siya na nga ang sinugo ng Ama. Mga kapatid, sa pang-araw-araw nating pamumuhay, hinahamon din tayong magpapatotoo sa ating pananampalataya, anuman ang estado o katungkulan natin sa buhay – bilang mga magulang, anak, guro, pulitiko, kawani ng pamahaan, negosyante – hinahamon tayong manindigan lagi kung ano ang tama, mabuti at kalugod-lugod sa Diyos. Hinahamon tayong isabuhay o makita sa buhay ang magagandang salita at adhikaing namumutawi sa ating mga labi. Ika nga ng kasabihan, “Practice what you preach.” Kung magagawa natin ito, ang mabubuting gawa natin mismo ang magpapatotoo na tunay ngang buhay ang Diyos at nananahan Siya sa ating puso. Tayo ngayon ang mga buhay na saksi ng Panginoon na magpapatotoo sa Kanyang pananatili sa ating piling. Sa pagsisikap nating gumawa ng kabutihan araw-araw kahit sa maliliit o malaking paraan man, maraming taong mabibigyan ng inspirasyon na gumawa din ng mabuti sa kapwa. Ang multiplier effect ng mga kabutihang ginagawa natin, tunay na magiging kalugod-lugod sa Diyos at sa ating kapwa. Hilingin natin sa Diyos ang biyayang ito. Manalangin tayo. Panginoon, gamitin Mo po akong hamak na kasangkapan sa pagpapalaganap ng Iyong kaharian. Marapatin Mo pong maging buhay na saksi ako, ng Iyong paghahari dito sa lupa. Pakabanalin Mo po ako sa isip, sa salita at sa gawa. Amen.
