EBANGHELYO: Jn 5:33-36
Sinabi ni Jesus sa nga Judio: “Nagsugo rin kayo kay Juan at binigyang-patotoo niya ang katotohanan. Ipinaaalala ko ito para maligtas kayo; ngunit hindi ko hangad ang patotoong mula sa tao. Isa nga siyang ilaw na may sindi at nagningning, at ginusto n’yong magalak pansamantala sa kanyang liwanag. “May patotoo naman ako na higit pa sa kay Juan: ang nga gawang ibinibay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon. Ang mga gawang ginagawa ko ay nagpapatotoo na sinugo ako ng Ama.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Bro. JC Baxa ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Maraming tao ngayon ang nagtatanong kung sino nga ba si Hesus sa buhay nila? Tunay bang Siya ay Diyos? Totoo ba Siya? Marami tanong nang pagdududa kung sino nga ba si Hesus sa kanila. Sa Mabuting Balita ngayon, narinig natin ang kasagutan ng Panginoong Hesus sa mga disipulo ni Juan Bautista. Matatandaan na sinugo ni Juan Bautista ang kanyang mga disipulo kay Jesus upang humingi ng kumpirmasyon, kung siya na nga ba ang Mesiyas o kailangan pa nilang maghintay ng iba. Sinabi ni Hesus, “Ang mga gawang ginagawa ko ay nagpapatotoo na sinugo ako ng Ama.”Mga kapatid, bilang Anak ng Diyos, layunin ni Hesus na ihayag ang kaharian ng Ama para sa ating lahat. Sa pamamagitan Niya, inilalapit ng Diyos ang kaharian sa lahat ng mga tao lalo’t higit sa mga makasalanan. Ipinakilala ni Hesus ang kaharian ng Diyos na isang kaharian na puno ng pagmamahal, kaligayahan, pagkakaisa, kasaganaan at pag-uunawaan. Kahit na tayo’y lumalayo sa kalooban ng Ama at nagpapaalipin sa kasalanan, nagtitiyaga ang Diyos na ipamalas ang kanyang dakilang pag-ibig sa ating lahat. Kailangan lang natin na magbalik-loob at humingi ng kapatawaran sa mga kasalanang nagawa, upang maranasan natin ang kamangha-manghang pag-ibig ng Diyos sa ating lahat, at mapabilang sa kanyang kaharian. Iyan ang katotohanang nais sabihin ni Hesus; ang pagbubukas ng kaharian ng Diyos para sa ating lahat. Nawa’y tanggapin natin ang katotohanang ipinakita sa atin ni Hesus, at tumugon sa paanyaya Niya na maging saksi tayo sa paghahari ng Diyos sa ating buhay. Amen.