Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 16, 2020 – MIYERKULES SA IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO | Simula ng Simbang Gabi

EBANGHELYO: Jn 5:33-36

“Nagsugo rin kayo kay Juan at binigyang-patotoo niya ang katotohanan. Ipinaaalala ko ito dahil sa inyo para maligtas kayo, ngunit hindi ko hangad ang patotoong mula sa tao. Isa nga s’yang ilaw na may sindi at nagningning, at ginusto ninyong magalak pansamantala sa kanyang liwanag. May patotoo naman ako na higit pa kaysa kay Juan – ang mga gawang ibinigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon.  Ang mga gawang ginagawa ko ay nagpapatotoo na sinugo ako ng Ama. At nagpapatotoo rin sa akin ang Amang nagsugo sa akin. 

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni John Alfred Rabena ang pagninilay sa ebanghelyo.  (Isa sa mga hindi ko makakalimutang tanong ng aking guro noong ako’y nasa Grade 1 ay tungkol sa araw at buwan. “Mayroon bang sarili liwanag ang buwan?,” tanong ng aking guro. “Opo, teacher.” Sagot naming mga may musmos na kaalaman. “Diyan kayo nagkakamali.” Wika ng aming guro, “lagi nyong tatandaan, mga bata, na ang liwanag ng buwan ay nagmumula sa araw. Hindi liliwanag ang buwan kung hindi nito masilayan ang liwanag ng araw. At bahagi lamang ang mamamasdan sa kalangitan sa gabi kung isang parte lamang ng buwan ang nasisikatan ng araw.”)// Ang ating ebanghelyo sa araw na ito, mga kapatid, ay nagbibigay-diin sa tema ng liwanag: ang liwanag ni San Juan Bautista at ang liwanag ni Hesus. Sa ating mundo ngayon, marami ang nagnanais maging isang bituing walang ningning. Marami ang nagnanais na magpakitang-gilas sa iba’t ibang larangan at espesyalisasyon. Ang iba ay nag-uunahan at minsan ay nagsisiraan upang makamit ang posisyon o karangyaan.// Pero, kakaiba ang ehemplong ipinamalas ni San Juan Bautista. Ang kanyang liwanag ay nagniningas hindi dahil sa sarili nyang kagalingan, katanyagan, o kapangyarihan, kundi dahil sa liwanag ni Kristo. Mula sa simula ng misyon ni Juan, ipinahayag niya na hindi siya ang tagapagligtas. Isa lamang siyang “tinig ng isang humihiyaw sa ilang, ‘Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon.’” Kinilala ni Juan na may mas dakilang sumusunod sa kaniya at hindi siya karapat-dapat magkalag ng panali ng pangyapak nito.// Makikita natin sa Ebanghelyo na ang nagniningas na liwanag ni Juan ay hindi nanggagaling sa mataas na pagkilala sa kanya ng mga tao kundi nagmumula ang kanyang liwanag sa biyaya at kabutihan ng Diyos. Ang kanyang misyon ay maging isang tulad ng “buwan” na sumasalamin sa liwanag ng kanyang Panginoon. Sa pamamagitan ng kanyang kapakumbabaan, nagningas ang kanyang liwanag sa maraming tao, at napalapit ang maraming tao sa Diyos na tagapaligtas.// Tayo rin ay inaanyayahang maging katulad ni Juan Bautista at magsilbing ilaw sa gitna ng kadiliman ng ating lipunan. Huwag tayong matakot o mahiyang ipamalas ang liwanag ng ating pagiging Kristiyano sa isip, sa salita, at sa gawa. Sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa, mapatutunayan ng ibang mga tao na mayroong isang mapagmahal at mahabaging Diyos. Pero, hindi tayo mga “araw” na may sariling liwanag. Tayo ay mga “buwan” lamang, at sinasalamin natin ang tunay na Liwanag: ang ating Panginoong Hesus.// (Si Hesus ang ating natatanging liwanag dahilSiya ang nagkatawang pag-ibig ng Diyos—nagkatawang-tao, nagpahayag ng mabuting balita, nagpagaling sa mga maysakit, namatay sa krus, at muling nabuhay.  Let us therefore spread the light, dear brothers and sisters. Hindi ang liwanag na makasarili, huwad, at artipisyal, kundi ang liwanag ni Hesus.// 

PANALANGIN

“Panginoong Hesus, Kayo po ang Liwanag ng aking buhay. Manahan po Kayo sa aking puso upang ang inyong Liwanag ay masalamin sa aking pakikipagkapwa-tao. Amen.”