BAGONG UMAGA
Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo. Purihin ang Panginoon nating Tagapaligtas! Kagabi, pinasimulan na sa maraming parokya ang Simbang Gabi. Ngayon naman, Ika-labing-anim ng Disyembre, pinasisimulan natin ang nakagawiang Misa de Gallo sa mga parokya. Ang siyam na araw na pagnonobena bilang paghahanda sa kapanganakan ng ating Panginoong Hesus. May kaakibat din itong sakripisyo dahil sa maaga nating paggising, sa kabila ng napakarami nating pinagkakaabalahan ngayong papalapit na ang Pasko. Harinawang makumpleto natin ang siyam na araw na simbang gabi, hindi dahil tayo’y namamanata para sa isang kahilingan, kundi para lubusan nating makilala si Hesus na ating Tagapagligtas at malaman ang katotohanang nais Niyang ipabatid sa atin. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita sa araw na ito mula kay San Juan kabanata lima, talata tatlumput-tatlo hangang tatlumput-anim
EBANGHELYO: Jn 5:33-36
Sinabi ni Jesus sa mga Judio: “Nagpasugo kayo kay Juan at binigyang patunay niya ang katotohanan. Ipinaaalaala ko ito para maligtas kayo; ngunit hindi ko hangad ang patunay mula sa tao. Siya nga ang ilaw na may sindi at nagningning, at sinugo n’yong magalak pansamantala sa kanyang liwanag.
May patunay naman ako na mas higit pa kay Juan—ang mga gawang bigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon. Ang mga gawang mismong ginagawa ko ang pagpapatunay na sinugo ako ng Ama.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Medyo marami na ang nagka-caroling, ang mga parol sa mga bahay at gusali, at lumalamig na. Kumakalembang na rin ang simbahan sa madaling araw, at naaamoy na natin ang bibingka at puto bumbong. Lahat ng ito ay nagsasabing Simbang Gabi na! At para sa ating mga Pilipino, Pasko na! Maligayang Pasko po at mapagpalang simula ng Simbang Gabi! Marami sa atin ang namamanata na makumpleto ang Simbang Gabi upang humiling kay Baby Jesus ng regalo. Pero alam n’yo ba na meron ding nagsisimbang gabi hindi para humingi, kundi para magpasalamat sa lahat ng biyayang natanggap sa loob ng buong taon! Sa Mabuting Balita ngayon, sinabi ni Hesus na nagpatotoo si Juan Bautista na si Hesus ang Anak ng Diyos. Pero mas higit ang pagpatotoo ni Hesus mismo, dahil hindi lang ito sa pamamagitan ng salita, kundi sa kanyang mga gawa – sa pagpapagaling sa mga maysakit at pagtulong sa mga nangangailangan, sa mga milagrong ginawa niya. Gaya nang kailangan natin ng mga tanda sa pagdiriwang ng Pasko, ganun din, kailangang makita ang ating pananampalataya. Hindi sapat ang maniwala. Kailangang manalig, magtiwala at gumalaw ayon dito – makita sa ating mga gawa na totoo ngang buhay si Hesus sa ating puso at pang-araw-araw na buhay. Kapatid, paano mo mapapatunayang Kristiyano ka ngayong araw sa gagawin mo?
PANALANGIN
Panginoon, maging tanda nawa kami sa aming pamilya, sa trabaho, sa aming mga kaibigan at kakilala, na may Diyos na nangangalaga sa lahat, nagpapatawad, at nagmamahal sa kabila ng aming mga kasalanan at kahinaan. Amen.