Ebanghelyo: Jn 5: 33-36
“Nagsugo rin kayo kay Juan at binigyang-patotoo niya ang katotohanan. Ipinaaalala ko ito dahil sa inyo para maligtas kayo, ngunit hindi ko hangad ang patotoong mula sa tao. Isa nga s’yang ilaw na may sindi at nagningning, at ginusto ninyong magalak pansamantala sa kanyang liwanag. May patotoo naman ako na higit pa kaysa kay Juan – ang mga gawang ibinigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon. Ang mga gawang ginagawa ko ay nagpapatotoo na sinugo ako ng Ama.
Pagninilay:
Kung minsan naiisip ko na hindi ko masisisi ang mga tao noon na higit na naniwala kay Juan Bautista kaysa kay Jesus. Kasi ba naman, mula sa paglilihi hanggang sa pagsilang kay Juan Bautista, naging talk of the town siya at ang kanyang pamilya. Siguro kung uso na noon ang social media, tiyak nagviral ang balita ng paglilihi ni Isabel na nag-menopause na. Lalo na ang pagkapipi ni Zacarias na nakapagsalita lamang nang isulat ang pangalang Juan noong ipinanganak siya. Samantalang si Jesus ay ipinaglihi at isinilang na nakatago sa paningin ng mga tao, bagaman extraordinaryo din ito. Tanging ang mga pantas at mga pastol lamang ang nakaalam ng kanyang pagsilang.
Kapanalig, mula noon hanggang ngayon, hindi pa rin naalis ang pagpapahalaga natin sa panlabas na kaanyuan, katanyagan o estado ng buhay, bilang batayan ng kredibilidad. Kaya naman napilitan si Jesus na banggitin si Juan bilang patotoo sa kanyang mga salita at gawa, kahit na hindi niya ito kailangang gawin. Si Jesus ang katotohanan, ang Diyos Anak na nagpakilala sa atin sa mapagmahal at maawaing Diyos Ama. Patuloy siyang nagpapakilala at nagpapadama ng pagmamahal at pagkalinga sa mga karaniwang tao at pangyayari sa buhay natin. Do we recognize God’s revelation to us in the ordinariness of our everyday life? O baka gaya rin tayo ng mga Hudyo na hindi matanggap si Jesus dahil ang nakita nila sa kanya ay isang ordinaryong tao lamang? Kapanalig hingin natin sa Banal na Espiritu na buksan ang ating isipan at puso upang ating makilala at madama si Jesus tuwing magpapakilala at magpaparamdam siya sa atin.