Daughters of Saint Paul

Disyembre 17, 2017 Ikatlong Linggo ng Adbiyento (B)

JUAN 1:6-8, 19-28

May taong sinugo ang Diyos—Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para pagpatotoo, para magpatotoo tungkol sa liwanag, upang maniwala ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi iyon ang liwanag, kundi patotoo tungkol sa liwanag. Ito ang pagpapatotoo ni Juan, nang suguin sa kanya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang ilang mga pari at mga Levita para tanungin siya: “Sino ka ba?” Sinabi niya ang katotohanan at di ipinagkaila; kanya ngang sinabi: “Hindi ako ang Kristo.”                  “Ano ka kung gayon? Si Elias ka ba?” At sinabi: “Hindi.” “Ang Propeta ka ba? Para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ba ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” “Ako ang ‘tinig ng sumisigaw sa ilang, “tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon.”’”   “At bakit ka nagbibinyag kung hindi ikaw si Kristo, ni si Elias, ni ang Propeta?” “Sa tubig lang ako nagbibinyag, ngunit kasama naman ninyo siyang nakatayo na hindi pa ninyo nakilala. Dumating siya na kasunod ko pero hindi ako karapat-dapat na makalag ng panali ng kanyang panyapak.” Sa Betaraba nangyari ang mga ito, sa kabilang ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.  

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyong ating narinig, itinatampok si Juan Bautista bilang ating huwaran sa pamumuhay sa katotohanan.  Sa paanong pamamaraan?  Una, dahil sa pagmamahal niya sa katotohanan, itinuwid ni Juan ang mali at baluktot na pagkakilala sa kanya ng mga tao; hindi niya inangkin ang titulo o ang karangalang laan lamang kay Jesus.  Ikalawa, tahasang sinabi ni Juan ang katotohanang, higit sa kanyang pagbibinyag ang binyag na ibibigay ni Jesus.  Nagbibinyag si Jesus sa apoy at espiritu at siya lamang ang tunay na magpapatawad sa kanilang mga kasalanan.  Ikatlo, nilinaw ni Juan ang tunay na papel na ginagampanan niya sa buhay ni Jesus. Na siya’y isang hamak na lingkod lamang na may misyong ihanda ang daraanan ng Tagapaligtas.  Mga kapanalig, ito din ang hamon sa atin ng Ebanghelyo, na sikaping laging mamuhay sa katotohanan. Dahil ito ang tunay na magpapalaya sa atin, ang hihilom sa sugat ng nakaraan at magdudulot ng tunay na kagalakang di mapapantayan.  Hilingin natin sa Diyos ang biyayang ito.