Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 17, 2020 – HUWEBES – MGA HULING ARAW NG ADBIYENTO

EBANGHELYO:  Mt 1:1-17

Ito ang libro ng pinagmulan ni Jesucristo, na anak ni David, at anak ni Abraham. Si Abraham ang anak ni Isaac; si Isaac ang ama ni Jacob; si Jacob ang ama Juda at nang kaniyang mga kapatid…. Si Jesse ang ama ni Rehoboam na ama ni Abias; At sumunod ang mga Haring sina Asa, Josafat; Joram; Ozias; Yoatan; Ahaz; Ezequias; Manases; Amon; at Yosias; Si Yosias ang ama ni Yekonias at nang kaniyang mga kapatid, sa panahon ng pagkatapon sa Babilonia. Pagkatapos naman nang pagkatapon sa Babilonia, Si Yekonias ang ama ni Salatiel; na ama ni Zorobabel; Si Zorobabel ang ama ni Abiud; si Abiud ni Eliaquim; at si Eliaquim ni Azor; Si Azor ang ama ni Sadoc; si Sadoc ni Aquim; at si Aquim ni Eliud; Si Eliud ang ama ni Eleazar; si Eleazar ni Matan; at si Matan ni Jacob; Si Jacob naman ang ama ni Jose ang asawa ni Maria, na siyang pinagmulan ni Jesus, na tinatawag na Kristo. Kaya may labingapat na salinlahi; Mula kay Abraham hanggang  kay David sa pagkatapon sa Babilonia at labingapat din hanggang sa Kristo. 

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Isa ako sa mga taong masyadong pihikan, kung mamimili ako ng step-in or rubber shoes. Kapag sa isang tingin ko pa lang, nagustuhan ko na agad ito, at kaya ng budget, tiyak na bibilhin ko ito. Sa mga material na bagay, makakapili tayo.  Pero ang pamilya, hindi napipili. At kung bibigyan ako ng Diyos ng ikalawang pagkakataong pumili ng pamilya, ang pamilya ko ngayon pa rin ang aking pipiliin. Hindi dahil perfect ang pamilya ko, kung hindi bawat isa sa kanila ay mukha ng Diyos, at sa iba’t ibang paraan ay humahamon sa akin upang magmahal. Kapatid, tayong mga Pilipino ay sadyang malapit sa ating pamilya. Sikapin nating pagtibayin pa ang pagmamahalan at pagtutulungan sa bawat isa. Si Jesus ay minarapat ng Diyos Ama na magkatawang tao at mamuhay kasama natin, sa anyo ng isang tao. Sa mga aral ng simbahan, nalaman natin ang naging buhay ni Jesus, at nakilala natin ang lahing kanyang pinagmulan … na binubuo ito ng mga taong may kalakasan at kahinaan. Pero sa tulong ng mga panalangin, at matapat na pagsunod ni Jesus sa kalooban ng Ama, nagampanan niya ang kanyang misyon. Mga kapatid, itinatanong ba natin sa Diyos, kung ano ang ating misyon? Kung ano ang papel natin sa mundong ito? Idalangin natin sa Banal na Espiritu Santo na gabayan tayo sa misyong nais ni Jesus para sa atin.  Amen. Amen.