BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ikatlong Linggo sa panahon ng Adbiyento, ang Linggo ng Kagalakan o Gaudete Sunday. Nagagalak tayo dahil tiyak at totoo ang pangakong ito ng Diyos, nang isugo Niya ang isang Mesiyas at Tagapagligtas sa katauhan ng ating Panginoong Hesus. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Atin nang pagnilayan ang Mabuting Balita ayon kay San Juan Kabanata isa, talata anim hanggang walo, at talata labing-siyam hanggang dalawampu’t walo.
EBANGHELYO: Jn 1:6-8, 19-28
May taong sinugo ang Diyos—Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya upang pagpatotoo, para magpatotoo tungkol sa liwanag, upang maniwala ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi iyon ang liwanag, kundi patotoo tungkol sa liwanag. Ito ang pagpapatotoo ni Juan, nang suguin sa kanya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang ilang mga pari at mga Levita para tanungin siya: “Sinu ka ba?” Sinabi niya ang katutuhanan at di ipinagkaila; kanya ngang sinabi: “Hindi ako ang Kristo.” Nagtanong naman sila sa kanya: “Anu ka kung gayon? Si Elias ka ba?” At sinabi: “Hindi” “Ang Propeta ka ba? Para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ba ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” Binangit niya ang sinabi ni Propeta Elias, at kanyang sinabi: “Ako ang ‘tinig ng sumisigaw sa ilang, “tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon.” “Sinugo nga sila ng mga Pariseo. At kanyang itinanong sa kanya: “At bakit ka nagbibinyag kung hindi ikaw si Kristo, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sumagot si Juan sa kanila: “Sa tubig lang ako nagbibinyag, ngunit kasama naman ninyo siyang nakatayo na hindi pa ninyo nakilala. Dumating siya na kasunod ko pero hindi ako karapat-dapat na makalag ng panali ng kanyang panyapak.”
Sa Betaraba nangyari ang mga ito, sa kabilang bayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.
PAGNINILAY
Magalak kayo! Nalalapit na ang pagdating ng ating Panginoon. Isinulat ni Fr. Rolly Garcia Jr. ang pagninilay sa ebanghelyo. Mga kapatid, ngayong Gaudete Sunday ipinapaalala sa atin na ang pag-ibig ng Diyos ay patuloy na nagliliwanag sa ating buhay, kahit pa tayo ay nag-aantabay. Ito ay lihim na nagbibigay init sa ating mga puso at nagpapatibay sa ating pag-asa. Katulad ni Juan Bautista, inaanyayahan din tayo na maging mga tagapagdala ng liwanag ng Diyos sa ating mundo. Nawa’y ang panahon ng Adbiyento ay maging pagkakataon para sa atin, na masilayan ang liwanag ng Diyos sa ating mga buhay, upang maging mga tagapagdala tayo ng pag-asa at kagalakan sa ating mundo. Sa mundo na nababalot sa dilim, kailangan na kailangan ang liwanag. Pero tandaan natin, hindi tayo ang ilaw, tayo lamang ang tagapaghatid ng liwanag. Mga kapatid, maging mapagkumbaba tayo tulad ng pagpapakumbaba ni Juan Bautista. Sa ganitong paraan, nagiging bahagi tayo ng masaganang pagdiriwang ng pagdating ng ating Panginoon. Malapit na ang Pasko! Malapit na nating masilayan ang liwanag ni Kristo!