Ebanghelyo: Mt. 1: 1-17
Ito ang libro ng pinagmulan ni Jesucristo, anak ni David at anak ni Abraham. Si Abraham ang anak ni Isaac, si Isaac ang ama ni Jacob, si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. Si Juda na ama nina Parez at Zerah (si Tamar ang kanilang ina), si Parez ang ama ni Esron, at si Esron ni Aram. Si Aram naman ang ama ni Aminadab, si Aminadab naman ni Naason, si Naason ni Salmon. Si Salmon ang ama ni Boaz at si Rahab naman ang kanyang ina. Si Boaz ang ama ni Obed, si Ruth ang kanyang Ina. Si Obed naman ang ama ni Jese “Si Jese ang ama ni David, at sumunod naman ang mga haring sina Asa, Yosafat, Yoram, Ocias, “Yoatan, Ahaz, Ezekias, “Manases, Amon at Yosias. “Si Yosias ang ama ni Yekonias at ng kanyang mga kapatid, sa panahon ng pagkatapon sa Babilonia. “Pagkatapos naman ng pagkatapon sa Babilonia-si Yekonias ang ama ni Salatiel na ama ni Zorobabel. “Si Zorobabel ang ama ni Abiud, si Abiud ni Eliakim, at si Eliakim ni Azor. “Si Azor ang ama ni Sadok, si Sadok ni Akim, at si Akim ni Eliud. “Si Eliud ang ama ni Eleazar, si Eleazar ni Matan at si Matan ni Jacob. “Si Jacob ang ama ni Jose-ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. “Kaya may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David at labing-apat mula kay David hanggang sa pagkatapon sa Babilonia at labing-apat din hanggang sa Kristo.
Pagninilay:
Grade 10 na ngayon si Cedric. Isang gabi, anim na taon na ang nakararaan, dinampot ng mga pulis ang kanyang mga magulang habang sila’y naghahapunan, sa kasong may kinalaman sa droga. Biglang naging tatay at nanay si Cedric sa dalawa niyang nakababatang kapatid. Sa tulong ng mga kamag-anak at malalapit na kaibigan, naitawid ang kanilang pangangailangan na pang-araw-araw, at ang kanilang pag-aaral. Sabi ni Cedric, “May awa ang Diyos, magiging maayos din po ang lahat.” Walang bahid ng bitterness o galit sa kanya. Dagdag pa niya, “Ito po ang pamilyang ibinigay ng Panginoon sa amin, ano man po ang mangyari, pamilya po kami. Tatanggapin namin ang kahinaan ng bawat isa at patuloy po kaming magpapatawaran at magtutulungan upang mapabuti ang bawat miyembro ng aming pamilyang.”
Nagmula si Jesus sa mahabang hanay na binubuo ng mga outsiders, mga mag-nanakaw, mga mandaraya, mga makasalanan. Nang magkatawang-tao siya, pumasok siya sa kaguluhan ng pamilya ng tao – kitang-kita sa sarili niya mismong angkan. Sa katunayan, tanging si Jesus lang ang hindi kailanman nagdala ng kahihiyan sa pamilya. Sa halip, dinala niya sa kanyang sarili ang kahihiyan ng bawat tao, ng kanyang pamilya, at ng buong pamilya ng makasalanang sangkatauhan – kasama tayo.
Ngayong ikalawang araw ng ating Misa Aguinaldo, ipagpasalamat natin ang bawat miyembro ng ating hindi perpektong pamilyang handog ng Panginoon. Huwag nating sukuan ang isa’t isa, anuman ang mangyari. Patuloy nating pagsumikapang iwasto ang mga pagkakamali, at ipagdasal ang isa’t isa, upang muli tayong magkasama-sama sa langit, sampu ng malaking pamilya ng Diyos.
Naging abala ang mga magulang ni Cedric sa iba’t ibang livelihood programs para sa mga persons deprived of liberty, pati na rin sa aktibong pagsi-serve sa Sunday Mass sa loob ng facility. Ayon kay Cedric, nakaka-ambag ang kinikita ng kanyang mga magulang sa kanilang mga gastusin araw-araw.
Pag-asa ang handog ng panahon ng Adbiento. Nawa’y pag-asa rin ang dala ng ating presensiya sa ating pamilya. Sa Diyos tayo’y umasa, walang imposible sa Kanya!