Daughters of Saint Paul

Disyembre 18, 2016 LINGGO Ika-apat na Linggo ng Adbiyento

Mt 1:18-24

Ito ang pangyayaring napapaloob sa kapanganakan ni Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo.

            Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya.

            Habang iniisip-isip niya ito, nagpakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya sa isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.

            Nangyari ang lahat ng ito npara matuppad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi'y Nasa-atin ang-Diyos.” Kya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa.

PAGNINILAY

Mga kapatid, bawat isa sa atin may kani-kaniyang pangarap sa buhay.  May mga nais tayong marating. Pinaplano nating mabuti ang ating mga pagkilos at namumuhunan tayo ng ibayong pagsisikap at tiyaga, makamtan lamang ang mga pangarap natin sa buhay. Nag-aaral nang mabuti ang mga estudyante upang makakuha ng mataas na grado. Nag-oovertime naman sa trabaho ang mga manggagawa, makapag-uwi lamang malaki-laking kita sa pamilya o para ma-promote sa mas mataas na posisyon.  Ang lahat ng kanilang mga pagsisikap at pagtitiyaga nakatuon lahat sa iisang hangarin – ang makamtan ang kanilang pangarap.  Sa Ebanghelyo ngayon, ipinakilala sa’tin sina Maria at Jose, bilang mga hamak at di kilalang tao sa lipunang kanilang kinabibilangan. Si Maria na isang dalaga, at si Jose na isang karpintero. Bago nila tinanggap ang balita ng Anghel, may kani-kaniya silang mga pangarap sa buhay.  Wala sa kanilang hinagap na hihirangin silang maging magulang ng isisilang na Tagapagligtas. Kaya kahit na may pag-aalinlangan sa simula, bukal sa loob pa rin nilang tinanggap ang plano ng Diyos Ama.  Tinalikdan ang kanilang mga personal na pangarap upang pasakop sa dakilang pangarap sa kanila ng Panginoong Diyos. Kapatid, handa ka rin bang pasakop sa pangarap sa’yo ng Panginoon?  Panginoon, gabayan Mo po ako sa aking pang-araw-araw na buhay.  Sikapin ko nawang mamuhay lagi, ayon sa Iyong pangarap sa akin.  Amen.