Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 18, 2023– LUNES SA MGA HULING LINGGO NG ADBIYENTO

BAGONG UMAGA

Isang mabiyaya at puno ng pag-asang araw ng Lunes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Ika-labingwalo ngayon ng Disyembre, ikatlong araw ng Misa Nobenaryo sa nalalapit nang Pasko.  Kamusta na po ba ang espiritwal nating paghahanda sa pagdating ng ating Panginoon? Sana manatili sa ating puso ang diwa ng pagmamahal at pagtitiwala sa Diyos.  Katulad ni San Jose na lubos na nagtiwala sa ipinahahayag sa kanya ng Diyos.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata isa, talata labinwalo hanggang dalawampu’t lima.  

EBANGHELYO: Mt 1:18-25

Ito ang mga pangyayaring napaloob sa kapanganakan ni Jesucristo. Ipinagkasundo na ni Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdalantao na siya dala ng Eespiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Eespiritu Santo kaya siya naglihi, at manganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang kasalanan.” Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y ‘Nasa-atin-ang-Diyos.’Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Angel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa. Ngunit hindi sila nagtalik bago isilang ang sanggol. At pinangalanan niya itong Jesus.      

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Gemmaria dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kabi-kabila maririnig natin, Lord, nasaan ka?  Nandiyan ka pa ba, Lord?  Nababahala ka ba sa nangyayari sa amin? Nakikita mo ba ang mga inosente at musmos na pinagmamalupitan, hinahalay, kinikitil? Ito ang mga hinaing natin sa mga nagaganap na digmaan, human trafficking, paglilipol ng lahi, drug-related crimes at iba pa. Mas malubha pa ang panaghoy natin, kung mismong kamag-anak natin o taong malalapit sa atin ang nabibiktima. Ito ang dahilan nang pagdating ng Emmanuel dito sa lupa. Dumating Siya para tubusin tayo, hindi lang sa kasalanan nating nagawa kundi sa bunga ng ating pagkakasala. Totoo. Ang kasalanan ang dahilan ng lahat ng nararanasan nating dusa. Kaya bago natin sisihin ang mga terorista, mga kriminal, o ang mga resistance movements, suriin natin ang sarili nating kahinaan. Baka nagmamalaki na tayo, nagiging makasarili, mainggitin, nagkikimkim ng matinding poot, gahaman sa yaman. Mga kapatid, kung nabibilang na tayo sa ganitong sala, humingi tayo ng tawad sa Diyos. Buong kababaang-loob natin Siyang tanggapin bilang “Emmanuel”. I-renew natin ang pagtanggap natin sa Kanya bilang hindi nagpapabaya. Nasa atin ang Diyos. Personal din nating angkinin ang kahulugan ng Emmanuel. “Nasa akin ang Diyos.” Nabubuhay sa akin ang Diyos na puno ng kapayapaan, awa, ligaya at pagmamahal.