Ebanghelyo: MATEO 1: 18-25
Ito ang pangyayaring napaloob sa kapanganakan ni Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, nagpakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi nga ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y ‘Nasa-atin-ang-Diyos.’ Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Angel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa.
Pagninilay:
Kung ikaw ay isang taong matuwid, tama ba lahat ng ginagawa mo? Di ka na nga ba nagkakasala o nagkakamali? Narinig natin sa Mabuting Balita ngayon na binalak ni Jose na hiwalayan si Maria na natagpuang nagdadalang-tao bago pa sila ikasal. Bilang taong matuwid gustong gawin ni Jose ang tama at huwag nang ituloy ang kasal. Subalit mula sa isang angel sa kanyang panaginip, nabatid niya ang isang katotohanan: Nasa Diyos ang kasiguruhan ng tama. Nagiging mas makabuluhan ang tamang naiisip ng tao kung kaugnay ito sa nais ng Diyos. Sa kasiguruhang ito, isinisilang ang “Emmanuel”, ang makabuluhang katotohanang kasama natin lagi ang Diyos.
Taglay ang makabuluhang katotohanang ito, hindi nagiging mabigat o mahirap ang pagsunod sa Diyos. Ang hamon nga lamang ay iyong lagi nating iugnay ang ating mga balak sa kung ano ang nadarama nating ikalulugod ng Diyos. Gumagawa tayo ng mabuti hindi lamang dahil nakikita tayo ng Diyos kundi dahil nakikita sa atin ang Diyos.
Manalangin tayo: Tulungan mo kami, Panginoon, na maisabuhay ang tama, ang makabuluhang katotohan, ang patuloy na isilang at makita ang Emmanuel sa aming mga gawa’t salita. Ikaw ang aming Daan, Katotohanan at Buhay. Basbasan mo kami ng iyong biyaya. Amen.