Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 19, 2020 – SABADO – MGA HULING ARAW NG ADBIYENTO

EBANGHELYO: Lk 1:5-25

Sa kapanahunan ni Herodes na hari ng Judea, may isang paring nagngangalang Zacarias, mula sa pangkat ni Abias. Mula rin sa lahi ni Aaron ang kanyang asawa na Elizabeth ang pangalan. Kapuwa sila matuwid sa harap ng Diyos at namumuhay nang walang kapintasan ayon sa lahat ng Batas at Kautusan ng Panginoon. Ngunit wala silang anak dahil baog si Elizabeth at kapuwa matanda na sila. Minsan, habang naglilingkod si Zacarias sa harap ng Diyos nang turno pa ng kanyang pangkat… sa oras ng pag-aalay ng insenso habang nanalangin ang buong bayan sa labas, napakita sa kanya ang Anghel ng Panginoon, nakatayo sa gawing kanan ng altar ng insenso. Naligalig si Zacarias at sinidlan ng takot pagkakita rito. Ngunit sinabi sa kanya ng Angel: “Huwag kang matakot, Zacarias; dininig na ang iyong panalangin. Ipanganganak sa iyo ng asawa mong si Elizabeth ang isang anak na lalaki, at pangangalanan mo siyang Juan. Magiging maligaya at tuwa mo s’ya. At marami rin ang magagalak dahil sa kanyang pagsilang. Magiging dakila nga s’ya sa harap ng Panginoon… Sinabi naman ni Zacarias sa Anghel: “Paano ko ito matitiyak? Matanda na nga ako at may katandaan na rin ang aking asawa.” “Ako si Gabriel na nasa harap ng Diyos. Ako ang sinugo sa ‘yo para kausapin ka at ihatid ang magandang balitang ito. Matutupad sa takdang panahon ang aking mga salita; ngunit ikaw na di naniniwala ay maging pipi at di makapagsasalita hanggang sa araw na mangyari ang mga ito.”  …Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi si Zacarias. At pagkaraan ng mga araw, nagdalantao ang asawa niyang si Elizabeth ngunit limang buwan itong hindi lumalabas ng bahay at sinabi: “Ganito ang ginawa ng Panginoon na nagpasiyang alisin ang kahihiyan ko sa paningin ng mga tao.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Ronaldo Quijano, rector ng Sacred Heart Seminary ng Diocese ng Bacolod ang pagninilay sa ebanghelyo. Tinawag tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng ating pangalan.  Ang pagtawag na ito ay isang biyaya. Biyaya ito na may kasamang tungkulin na dapat gampanan. May pagkakataon na babaguhin ng ating Panginoon ang pagkilala sa atin at sa ating pagkatao.  Ito’y upang isakatuparan ang kanyang misyon sa sangkatauhan. Halimbawa: ang pangalan ni Simon ay naging Pedro, si Saul ay naging Pablo, at ang pangalang Karol Wotyla ay naging John Paul II. Binabago tayo ng Panginoon upang magampanan ang isang mahalagang misyon. Sinabi ng Anghel kay Zechariah, “Huwag kang mangamba, sapagkat ang iyong panalangin ay narinig na.” Magtiwala at manalig tayo sa ating mapagpalang Dios. Maging si Juan ay naging tanda ng pagpapala ng Panginoon. Mga kapatid, nalalapit na ang Pasko, maging tugon nawa tayo sa panalangin ng ating kapwa-tao. 

PANALANGIN

Panginoong Jesus, bigyan mo po kami ng karunungan sa aming paghihintay sa iyo at tiwala na ang Diyos Ama ay tutugon sa aming mga kahilingan. Amen.