Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 19, 2021 – IKAAPAT NA LINGGO NG ADBIYENTO (K)

Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ikaapat na Linggo ng Adbiyento!  Pasalamatan natin Siya sa banal na panahon na ito ng paghahanda sa kapanganakan ng ating Tagapagligtas na si Hesus.  Matutunghayan natin sa Mabuting Balita ang dalawang babaeng puspos ng kagalakan dahil tunay silang pinagpalang maging bahagi sa planong pagliligtas ng Diyos. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Lukas kabanata isa, talata tatlumpu’t siyam hanggang apatnapu’t lima.

EBANGHELYO: Lk 1:39-45

Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elisabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elisabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “ Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pingapala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Bro. Samy Torrefranca ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Maliban sa award na Most Attentive Listener at Most Obedient, ang isa pang award na  maaari nating ibigay sa Mahal na Inang Maria ay ang Best in Effort Award. Biruin mo, nilakbay niya ang masusukal at maalikabok na daan, umakyat ng kabundukan para suportahan at alagaan ang kanyang pinsang si Elisabet.// Ang mahal na Ina ay nagdadalang tao din, pero hindi niya alintana ang sarili niyang kalagayan para lang makatulong at damayan ang pamilya ni Elisabet. Alam nating nasa kanyang sinapupunan ang Anak ng Diyos, kaya wala tayong dapat ikabahala. Pero, siguro tingnan din natin ang anggulo, na nais niyang ibahagi agad ang Mabuting Balita na nasa kanyang sinapupunan. Nais niyang ipakita na ang batang dala-dala niya ay ang magbibigay ng tunay na galak at saya kay Elisabet at sa sanggol sa kanyang sinapupunan. Nais niyang ibahagi ang pagpapala, na kanyang natanggap mula sa Diyos Ama. Mga kapanalig, ang pagdalaw ni Maria sa kanyang pinsan ay simbolo ng kabutihang loob at pagbibigay galak at ang katiyakang kailanma’y hindi magiging madamot ang Diyos sa atin. Katuwang niya ang mahal na ina upang ilapit tayo kay Hesus. Parati tayong nilalapit ng Mahal na Ina sa kanyang Anak. Si Maria mismo ang nagdadala kay Hesus sa atin.// Ang buong kwento ng Pagbisita niya kay Elisabet ay mabubuod sa salitang SAYA. Saya ng paghahatid ng Mabuting Balita at ang Galak din ng pagtanggap ng mag-inang Elisabet at Juan: na-identify agad ng mag-inang ito kung gaanong pagpapala ang kanilang natanggap sa pagbisita ni Maria. Si Elisabet at Juan ang simbolo naman ng mga “grateful hearts.” Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet, kaya nasambit niya “Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat, at pinagpala naman ang iyong dinadalang Anak.” at naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa kanyang tiyan. Mga kapanalig, pinupukaw tayo ng Mabuting Balita sa Linggong ito, na dapat tayong magalak at mapagpasalamat kasama ni Kristo at Mahal na Ina.