Ebanghelyo: Lucas 1,5-25
Sa kapanahunan ni Herodes na hari ng Judea, may isang paring nagngangalang Zacarias, mula sa pangkat ni Abias. Mula rin sa lahi ni Aaron ang kanyang asawa na Elizabeth ang pangalan. Kapuwa sila matuwid sa harap ng Diyos at namumuhay nang walang kapintasan ayon sa lahat ng Batas at Kautusan ng Panginoon. Ngunit wala silang anak dahil baog si Elizabeth at kapwa matanda na sila. Minsan, habang naglilingkod si Zacarias sa harap ng Diyos nang turno pa ng kanyang pangkat. Nagpalabunutan sila ayon sa kaugalian ng kaparian at s’ya ang napiling pumasok sa Santuwaryo ng Panginoon para magsunog ng insenso. Kaya sa oras ng pag-aalay ng insenso habang nanalangin ang buong bayan sa labas, napakita sa kanya ang Anghel ng Panginoon, nakatayo sa gawing kanan ng altar ng insenso. Naligalig si Zacarias at sinidlan ng takot pagkakita rito. Ngunit sinabi sa kanya ng Angel: “Huwag kang matakot, Zacarias; dininig na ang iyong panalangin. Ipanganganak sa iyo ng asawa mong si Elizabeth ang isang anak na lalaki, at pangangalanan mo siyang Juan. Magiging maligaya at tuwa mo s’ya. At marami rin ang magagalak dahil sa kanyang pagsilang. Magiging dakila nga s’ya sa harap ng Panginoon. Hindi s’ya iinom ng alak ng ubas o ng butil at mapupuspos s’ya ng Espiritu Santo mula sa sinapupunan ng kanyng ina. Panunumbalikin n’ya ang maraming anak ng Israel sa Panginoong kanilang Diyos. Mangunguna s’ya sa kanya taglay ang diwa at kapangyarihan ni Elias para papagkasunduin ang mga magulang at mga anak at ibalik ang mga masuwayin sa pag-unawang bagay sa makatarungan upang maihanda ang isang bayang angkop sa Panginoon.” Sinabi naman ni Zacarias sa Anghel: “Paano ko ito matitiyak? Matanda na nga ako at may katandaan na rin ang aking asawa.” “Ako si Gabriel na nasa harap ng Diyos. Ako ang sinugo sa ‘yo para kausapin ka at ihatid ang magandang balitang ito. Matutupad sa takdang panahon ang aking mga salita; ngunit ikaw na di naniniwala ay maging pipi at di makapagsasalita hanggang sa araw na mangyari ang mga ito.” Naghihintay naman kay Zacarias ang bayan at nagtataka sa pagtatagal n’ya sa loob ng Santuwaryo. Nang lumabas s’ya hindi na s’ya makapagsalita kaya nalaman nila nakakita s’ya ng isang pangitain sa loob ng Santuwaryo. Sumisenyas na lamang s’ya sa kanila at nanatiling pipi. Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi si Zacarias. At pagkaraan ng mga araw, nagdalantao ang asawa niyang si Elizabeth ngunit limang buwan itong hindi lumalabas ng bahay at sinabi: “Ganito ang ginawa ng Panginoon na nagpasiyang alisin ang kahihiyan ko sa paningin ng mga tao.”
Pagninilay:
I-share ko lang ang isinulat ni Michel Lemery na “Tweeting with God”. Collection ito ng mga real life questions ng mga JP2 group ng kabataan. Isa sa mga tanong ay “Bakit ako maniniwala kay God?” Na-impress ako sa kanyang sagot. Kung tutuusin daw, hidden deep inside each person, there is a longing for God. Pero hindi natin alam na si God na pala ang hanap natin. O pwedeng naghahanap tayo, pero hindi natin alam kung bakit tayo naghahanap. Hindi nalalayo dito ang episode ni Zacarias; sabik siyang magkaroon ng anak. Pero nang dumating ang tugon, nagduda siya. Hindi siya prepared sa ibinalita ng Anghel. Matanda na kasi siya. Kaya, hindi muna siya pinagsalita ng Diyos. Kung tutuusin, maituturing na handog ang katahimikan. Kadalasan sa katahimikan natin matatagpuan ang Diyos. Naroon ang pangkaloobang pakikipag-usap sa Kanya para maunawaan natin ang Katotohanan. Paraan din ito nang matagpuan natin ang tugon sa kahalagahan ng paniniwala at pananampalataya sa Diyos.