LUCAS 21:34-36
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo’t baka bumigat ang inyong mga isip sa mga bisyo, paglalasing at mga intindihin sa buhay. At baka bigla kayong datnan ng araw na iyon. Babagsak ito parang bitag sa lahat ng nasa lupa. Kaya lagi kayong magbantay at manalangin para maging marapat na makatakas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
PAGNINILAY
Napapanahon ang panawagan sa atin ng Ebanghelyo, lalo na’t pumasok na tayo sa buwan ng Disyembre na punong-puno ng mga aktibidades at pinagkakaabalahan. Bagamat napakasayang buwan ito sa marami sa atin, dahil sa mga reunions, Christmas parties, gift-giving, carolling at kung anu-ano pa – masasabi ring magastos ang buwang ito dahil sa mga nabanggit na aktibidades. Marahil marami na sa atin ang nag-aalala kung paanong pagkakasyahin ang thirteenth month pay para sa mga gastusin sa darating na Pasko. Siyempre tuwing may Christmas party di rin maaalis ang mga bisyo at paglalasing. Kaya tamang-tama ang mensahe sa atin ng Panginoon ngayon, na mag-ingat tayo, dahil baka bumigat ang ating isip sa mga bisyo, paglalasing at mga intindihin sa buhay at makalimutan natin ang magbantay at manalangin. Mga kapanalig, sa gitna ng ating mga alalahanin at pinagkakaabalahan araw-araw, inaanyayahan tayo ng Panginoon na laging unahin ang pagdarasal at pagbabantay. Nang sa gayon huwag tayong lamunin nang sobrang pag-aalala, makaiwas tayo sa bisyo at paglalasing, at higit sa lahat lagi tayong ginagabayan ng Banal na Espiritu sa lahat ng ating mga gawain. Kapag inuna natin ang pagdarasal at pasasalamat sa Diyos sa bawat pagmulat ng ating mga mata – mapupuspos ang ating puso ng pag-asa sa walang hanggang paglingap ng Diyos sa atin. Panginoon, iadya mo po ako sa bisyo, paglalasing at sobrang pag-aalala sa buhay. Inihahabilin ko po Sa’yo ang mga alalahaning kinakaharap ko ngayon. Kayo na po ang bahala sa akin… Lubos po akong nagtitiwala na hinding-hindi Mo ako susubukin nang higit sa aking makakaya. Dagdagan Mo po ang aking pananampalataya. Amen.