EBANGHELYO: Mt 15:29-37
Pumunta si Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, at pagkaakyat sa burol ay naupo. Maraming tao ang lumapit sa kanya, dala-dala ang mga pipi, bulag, pilay, mga may kapansanan, at mga taong may iba’t ibang karamdaman. Inilagay sila ng mga tao sa paanan ni Jesus, at pinagaling niya sila. Kaya namangha ang lahat nang makita nila na nagsasalita ang mga pipi, lumalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga may kapansanan, at nakakakita ang mga bulag; kaya pinuri nila ang Diyos ng Israel. Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at ayaw kong paalisin silang gutom at baka mahilo sila sa daan.” Sinabi ng mga alagad sa kanya: “At saan naman tayo hahanap ng sapat na tinapay sa ilang na ito para ipakain sa mga taong iyan?” “Ilan bang tinapay meron kayo?” “Pito at kaunting maliliit na isda.” Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha niya ang pitong tinapay at ang maliliit na isda, at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga ito at inibigay sa kayang mga alagad, at ibinigay rin nila sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog at inipon ang mga natirang pira-piraso – pitong punong bayong.
PAGNINILAY
Narinig natin sa Ebanghelyo ang himala ng Pagpaparami ng tinapay at isda. Naganap ito dahil sa pagbabahaginan at pagpapala, na tanging sa Diyos lamang nagmumula. Tunay ngang ang espiritu ng pagbabahaginan, ang siyang humuhubog at kumakatawan, sa isang simbahang buhay at bumubuhay sa bawat kaluluwang umaasam ng kaligtasan. Sa labis na pagkahabag ni Jesus sa mga taong nakapalibot sa Kanya, masasalamin natin ang tunay na diwa ng pakikiisa, panalangin at pagbabahaginan. Mga kapatid, sa pinagdadaanan nating pagsubok ngayon dulot ng pandemya at mga kalamidad, napakaraming tao ang naghihirap, nagugutom at nawawalan ng pag-asa. Kaya inaanyayahan tayo ng Panginoon na makita ang kanilang paghihirap at tumulong tayo sa abot ng ating makakaya. Tayo ang simbahan ng Diyos sa kasalukuyan na Kanyang hinahamon sa tunay na diwa ng pagbabahaginan. Sa pagbabahaginan natin, nakikilala tayo bilang tunay na abang-lingkod – may malasakit at awa, sa bawat taong nangangailangan. Hilingin natin sa Diyos ang biyayang pawiin ang mga makasariling pag-aasam at pagnanais na nagiging hadlang sa tunay na diwa ng pagbabahaginan.
PANALANGIN
Panginoon, halika na, handa na po ako sa Iyong pagdating, ikaw po ang aking tunay na pag-asa at kaligtasan, pawiin N’yo po ang anumang makasariling pagnanais sa aking puso. Amen