Daughters of Saint Paul

Disyembre 2, 2023 – Sabado sa Ika-34 na Linggo ng Taon

BAGONG UMAGA

Mapagpalang araw ng Martes minamahal kong kapatid kay Kristo.  Pasalamatan natin ang Diyos sa biyayang masilayan muli ang ganda ng panibagong araw, na punong-puno ng Kanyang pagpapala at pag-asa.  Panhuling araw ngayon ng liturhikal na kalendaryo ng ating Santa Iglesya.  Bukas, sisimulan na natin ang Bagong Taon, sa pagdiriwang natin ng Unang Linggo ng Adbiyento.  Pasalamatan natin ang Diyos sa patuloy Niyang paggabay at pakikipaglakbay sa atin sa lahat ng panahon at pagkakataon sa ating buhay.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Maririnig natin ang paalala ng Panginoong Hesus na mag-ingat tayo, dahil baka bumigat ang ating isip sa mga bisyo, paglalasing at mga intindihin sa buhay, sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata dalawampu’t isa, talata tatlumpu’t apat hanggang tatlumpu’t anim.

EBANGHELYO: Lk 21:34-36

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo’t baka bumigat ang inyong mga isip sa mga bisyo, paglalasing at mga intindihin sa buhay. At baka bigla kayong datnan ng araw na iyon. Babagsak ito parang bitag sa lahat ng nasa lupa. Kaya lagi kayong magbantay at manalangin para maging marapat na makatakas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Gemmaria dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kapatid, kay gandang paalala ng narinig nating Mabuting Balita. Maghanda at magdasal, para magkaroon ng lakas sa mga magaganap. Magdasal. Ano ang biyaya ng panalangin sa paghahanda? Una, nagpapasibol at nagpapalalim ito ng ugnayan natin sa Diyos. Ikalawa, inaakay tayo sa tamang desisyon. Ikatlo, pinalalakas tayo sa oras ng tukso. Ang mga ito ang magpapanatili ng ating tamang choices hanggang marating natin ang destinasyon natin sa ating Ama. Actually, tuwing nagbi-birthday tayo, lumalapit tayo sa buhay na nakalaan sa atin.  Sabi nga sa greeting ng mga Italiano: Buon Compleanno! Masayang pagbuo ng isang taon. Minsan may nabasa akong greeting. Ang sabi: “Birthdays are the universe’s way of telling us to eat more cake!” Hanggang cake na lang ba? Kailan natin isinaalang-alang ang tunay na purpose kung bakit tayo nilikha? Hindi ba, ang layunin para sa atin ng ating Amang Manlilikha ay ang kilalanin Siya, mahalin, paglingkuran at mithiin na makapiling Siya habang buhay? Hindi naman masamang i-treat ang sarili at ang pamilya. Iwasan lang na maging sobra. Bukod pa rito, malulugod ang ating Panginoon kung bibigyan din natin Siya ng treat. Deserve Niyang mag-gratitude party rin tayo sa Kanya, tulad sa Misa. Ganundin, Nobena sa Pasko at mismong Christmas. Bukod sa pasasalamat sa Diyos, iconsider natin ang bawat araw, na tila last day ng ating buhay. Mahalaga ito para makapaghanda tayo ng tama. (Bakit nga ba ipinahintulot ng Diyos na mabuhay pa tayo ngayon habang ang iba, umuwi na sa Ama? Hindi kaya na-accomplished na nila ang kanilang purpose? O fortunate din tayo dahil may bonus na panahon ang handog sa atin, kahit hindi natin deserved? Ano man ang dahilan, ang mahalaga, bawat oras, iwork-out natin ang nakalaan sa atin na buhay na walang hanggan sa tulong ng biyaya ng ating Ama.)