Ebanghelyo: MATEO 8,5–11
Pagdating ni Jesus sa Capernaum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap.” “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.” “Panginoon, hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. Mababa nga lang ang ranggo ko, pero kapag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: ‘Pumaroon ka,’ pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: ‘Pumarito ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa niya ito.” Nang marinig ito ni Hesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng Langit.”
Pagninilay:
Minsan, nasabi ko sa isang kaibigan ang problema ko. Nabigla ako nang sabihin niyang, “Halika, gawan natin ng paraan. Maayos natin iyan!” Sinabi ko lang ang hinaing ko, pero hindi naman ako humihingi ng tulong. Ang sarap ng merong ganoong kaibigan, di ba? Yung laging handang umalalay at tumulong sa iyo, anuman ang mangyari.
Parang ganoon ang nangyari sa Mabuting Balita ngayon. Nagsabi kay Jesus ang kapitan na nalumpo ang kanyang katulong at labis itong nahihirapan. Ang sagot ni Jesus ay: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.” Nagulat din ang kapitan, dahil hindi niya inaasahang gagawin iyon ni Jesus. Kaya’t nasambi’t niya ang isa sa napakagandang dasal, na sinasabi natin sa misa bago tayo mag-komunyon: “Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa iyo. Ngunit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.” Nagpahayag ng pagpapakumbaba at pananampalataya ang tugon ng kapitan, kaya naman pinuri siya ng Panginoon. Ikaw, kapanalig, may gusto ka bang ilapit sa Panginoong Hesus? Huwag ka nang mag-atubili, kundi magbalik-loob, umasa, at manalig. Hinihintay ka niya, lalo na ngayong panahon ng Adbiyento.