LUCAS 1:26-38
Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng Birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot , Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo'y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus . Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailaman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel.
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, planadong-planado na siguro nina Jose at Maria ang kanilang magiging buhay bilang mag-asawa. Pakakasal sila at mamumuhay nang tahimik. Pero heto’t ibinabalita ni Anghel Gabriel na mabubuntis si Maria nang hindi pa sila nagsasama. Ang nakapagtataka pa, sinabi niya pang dapat matuwa si Maria. Para sa isang karaniwang tao, hindi katuwa-tuwa ang balita ni Anghel Gabriel. Nakakatakot ito dahil noong panahong iyon, binabato ang sinumang nabubuntis na walang namang asawa. Naguguluhan man si Maria, nagtiwala pa rin siya nang malaman niyang ang Diyos ang may plano ng lahat ng ito. Sa halip na manatili sa kanyang plano, hinayaan ni Maria na maghari ang Diyos sa kanyang buhay dahil para sa kanya, siya’y abang alipin lamang ng Diyos. Mga kapanalig, sa ating pang-araw araw na buhay handa ba tayong tumalima sa plano ng Diyos sa atin, kahit paminsan labag ito sa ating kalooban? Matularan nawa natin ang kababaang-loob ni Maria, na hindi nag-alinlangang sundin ang plano sa kanya ng Diyos. Dahil kapag sumusunod tayo sa kalooban ng Diyos sa atin, hindi tayo maaaring magkamali. Magtiwala tayo sa Kanya!