EBANGHELYO: Lk 1:26-38
Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria ang pangalan ng birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka’ O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki? At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasankaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katadaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposibla sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Bro. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Sinasabing ang pagsang-ayon ni Maria sa kalooban ng Diyos, ang pinaka-makapigil-hiningang bahagi ng kasaysayan ng ating kaligtasan. Bagamat makapangyarihan ang Diyos, nirerespeto niya ng lubosang malayang pagpapasy ang bawat tao. Kayanga’t noong sabihin ng Anghel ang kanyang Mabuting Balita, natulala at parang bang huminto ang lahat. Pero, nang tumugon si Maria: “mangyarinawa sa akin ayon sa wika mo,” nagbunyi ang langit at lupa dahil tunay ngang matutupad na ang plano ng Diyos. Muling niligawan ng Diyos ang sangkatauhan, at sa pamamagitan ni Maria muli tayong sumang-ayon sa kalooban ng Diyos — na tayo’y maligtas. Mga kapatid, sa buhay natin kung minsan mas pinahahalagahan natin ang sariling kagustuhan kaysa kalooban ng Diyos. Matularan nawa natin si Maria… Magkaroon nawa tayo ng isang pusong laging bukas, mapagnilay, handang tumugon at sumang-ayon sa kalooban ng Diyos. Amen.