Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 20, 2020 – IKAAPAT NA LINGGO NG ADBIYENTO (B)

EBANGHELYO: Lk 1:26-38

Sa ikaanim na buwan, ang Anghel na si Gabriel ay inutusan ng Diyos ay inutusan ng Diyos sa isang lungsod ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sa isang birheng na idulog na sa isang lalaki sa lahi ni David na ang pangalan ay Jose; at ang pangalan ng birhen ay Maria. Pagpasok niya sa kinaroroonan nang babae ay sinabi niya: “Aba puspos ka ng biyaya, ang Panginoon ay sumasaiyo.” Sa pangungusap na ito si Maria ay nagitla at pinagdili-dili ang kahulugan ng gayong batiNabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot , Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailaman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” “Paanong mangyayari ito gayong hindi ako ginagalaw ng lalaki?” “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese ng Manila ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Sa ika-apat na Linggo ng Adbiyento, inaanyayahan tayo ng liturhiya na ibaling natin ang pansin kay Maria, ang ina ni Jesus. Mahalaga ang papel na ginagampanan ni Maria sa paghahanda natin ng daan para kay Jesus. Napakinggan natin ngayong Linggo ang kuwento ng pagpapakita ni Anghel Gabriel kay Maria at ang pagpapahayag nito ng Mabuting Balita tungkol sa pagsilang ni Jesus.// Ang kwento ng Pagpapakita ng Anghel kay Maria ang nagpapaalala ng kamangha-manghang pagkilos ng Diyos sa kasaysayan ng tao. Pinili ng Diyos ang isang dalaga na magsilang sa kanyang Anak upang masumpungan ng sangkatauhan ang kaligtasan ng Diyos. Nakipagtulungan si Maria, napupuno ng grasya, sa magandang na plano ng Diyos para sa ating kaligtasan. Sa gayon si Hesus ay ipinanganak bilang isa sa atin, ganap na tao at ganap ding banal. Ito ang hiwaga na pinaghahandaan nating ipagdiwang sa Pasko, ang misteryo ng Pagkakatawang-tao.// (Mga Kapanalig, sa halimbawa ni Maria, ipanalangin natin na tayo ay maging matatag sa ating pananampalataya, kinikilala ang nagliligtas na plano ng Diyos para sa atin at laging handang tumugon at sumunod sa Kanya.)