BAGONG UMAGA
Mapayapang araw ng Miyerkules minamahal kong kapatid kay Kristo. Nasa ika-limang araw na tayo ng pagnonobena para sa Pasko, at ilang tulog na lang, Pasko na. Samahan natin si Maria sa magkahalong tuwa at takot na naramdaman sa ibinalita sa Kanya ng Anghel. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata isa, talata dalawampu’t anim hanggang tatlumpu’t walo.
EBANGHELYO: Lk 1:26-38
Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Angel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinawag na Nazareth. Sinugo ito sa birhen ipinagkasundo na sa isang lalaki nagngangalang Jose mula sa sambayanan ni David; at Maria naman ang pangalan ng Birhen. Pumasok ang Anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.
Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito.
At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos sa iyo. At ngayo’y maglihi ka at manganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang anak ng kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Mahahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa Anghel: “Paanong mangyayari ito gayong hindi ako ginalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang Anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at liliman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya maging banal ang iyong isisilang at tatawaging anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa akaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Nagulumihanan si Maria sa bati ng anghel sa kanya. Paano nga naman siya magdadalang tao, gayung wala naman siyang relasyon sa isang lalaki? Pero dahil ang puso’t kalooban ni Maria ay bukas sa grasya ng Panginoong Diyos, buong kababaang loob niyang tinanggap ang paliwanag ng anghel, kung paano mangyayari ang mga bagay na ipinahiwatig nito. Mga kapatid, si Maria ay pinagkalooban ng Panginoong Diyos ng pinakadakilang misyon sa buong sanlibutan. At ito ay ang maging Ina ng Manunubos. Isang natatangi at maluwalhating bokasyon. Hindi ninais ni Maria na maging ina ng Mesiyas. Ni hindi sumagi sa kanyang isipan ang bagay na ito. Sa halip, ang tanging laman ng kanyang puso’t isipan, ay ang ipagkaloob ang kanyang sarili sa Panginoon, ang kanyang pagka birhen, at paglingkuran ang Diyos magpakailanman. Kapatid, lahat tayo’y may misyon at bahaging dapat gampanan sa gawain ng pagtubos ng Diyos. Meron ba tayong kapasidad na pakinggan ang tinig ng Diyos nang buong kababaang loob na katulad ni Maria?