Ebanghelyo: Lucas 1:26-38
Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng Birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus . Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailaman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel.
Pagninilay:
Wala nang hihigit pa sa pagsunod ni Maria sa kalooban ng Diyos. Ito ang nagbigay ng liwanag at pag-asa sa sanlibutan. Sa pamamagitan ng anghel, nakarating kay Maria ang balita mula sa Diyos na siya ay magdadalang-tao. Manganganak siya ng isang lalaki at Hesus ang ipapangalan sa kanya.
Sa simula, hindi pa ito malinaw kay Maria at siya’y nabalot ng takot. Pero nilakasan niya ang kanyang paniniwala at buong-pusong tumugon sa tawag ng Diyos. Sana tularan natin si Maria na handang sumunod sa kalooban ng Diyos. Minsan naliligaw at nabibingi tayo. Sariling kagustuhan na lamang ang ating napapakinggan. Nakaka-limutan nating pakinggan kung ano nga ba ang kagustuhan ng Panginoon sa ating buhay.
Nawa, tulad ni Maria, magkaroon din tayo ng pusong handang makinig at magtiwala nang lubusan. Ang kanyang pananampalataya at pagsunod ay nagbibigay sa atin ng inspirasyon. Sa kabila ng kanyang mga pangamba, hinayaan niyang ang kagustuhan ng Diyos ang manaig.
Kapanalig, tinatawag din tayong maging bukas sa kalooban ng Diyos. Tularan nawa natin si Maria sa araw-araw, upang sa kanyang panalangin at pagmamahal, gabayan niya tayo sa liwanag at pagsunod sa kalooban ng Diyos.