Daughters of Saint Paul

Disyembre 21, 2017 Huwebes sa Mga Huling Linggo ng Adbiyento

LUCAS 1:39-45

Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elisabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elisabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “ Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pingapala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako't naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”

PAGNINILAY:

Natunghayan natin sa Ebanghelyo ang pagtatagpo ng dalawang babaeng nagdadalantao na magkayakap at tumatalon sa tuwa.  Marahil itatanong n’yo bakit ganun na lamang ang kanilang kagalakan, na maging ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabeth, sumisikad sa tuwa?  Una, dahil may panahon sila sa isa’t isa.  Kahit nagdadalantao din si Maria, hindi ito naging hadlang sa kanya para maglakbay sa malayong bayan sa mataas na lupain ng Juda, para dalawin ang kanyang pinsang si Elizabeth.  Inalalayan ni Maria si Elizabeth sa kanyang pagbubuntis at marahil tinulungan sa mga gawaing bahay.  Ikalawa, kapwa sila may magandang balita sa isa’t isa.  Kapwa sila tumanggap ng mga pagpapalang higit pa sa kanilang inaasahan.  Nag-uumapaw ang kanilang puso sa kagalakan kaya ipinapahayag nila at ibinabahagi ang mga pagpapalang ito sa isa’t isa.  Ikatlo, kapwa sila may pananampalataya.  Mapalad sila sa paniniwala sa isang Diyos na tumutupad sa Kanyang salita.  Mga kapanalig, sa kabila ng mga pagsubok na pinagdaraanan natin araw-araw, napakaraming dahilan para magalak tayo sa panahong ito ng Pasko.  Magalak tayo dahil tayo’y buhay pa, at nakapag-celebrate ulit ng isa pang Pasko.  Magalak tayo dahil sa presensiya ng bawat isa sa ating pamilya; sa ating mabuting kalusugan; sa mga biyayang patuloy nating tinatanggap at naibabahagi sa iba, sa masasayang pagtitipon at reunions ng ating mga kamag-anakan at kaibigan.  Pero higit pa sa lahat ng ito, magalak tayo dahil muli nating sinasariwa ang dakila at walang hanggang pag-ibig sa atin ng Diyos Ama – sa pagpadala sa atin ng Kanyang bugtong na Anak para sa ating kaligtasan.  Ito ang tunay na dahilan ng ating kagalakan, ang tunay na dahilan kung bakit tayo nagdiriwang ng kapaskuhan.  Si Jesus nawa ang maging sentro ng lahat ng ating pagdiriwang.  Maibigay nawa natin sa Kanya ang nararapat na pagpupugay at pagsamba sa nalalapit na pagdiriwang ng Pasko.  Panginoon, puspusin Mo po ng kagalakan ang aking puso Sa’yong pagdating.  Kayo nawa ang maging sentro nang lahat ng aming pagdiriwang ngayong Pasko.  Amen.