EBANGHELYO: LK 1:39-45
Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan.Pinagpala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. “Ang puso ko’y nagpupuri, nagpupuri sa Panginoon, nagagalak ang aking Espiritu sa ‘king Tagapagligtas”. Ang pag-awit ay isang expression ng damdamin, kung paanong ang pagluha ay isa ding expression ng damdamin. Marami tayong paraan kung paano natin maisasalarawan ang ating damdamin. Narinig natin sa Ebanghelyo na nagmamadaling naglakbay si Maria sa bulubundukin ng Juda, Bakit? Dahil nabalitaan nya na naglilihi ang kanyang pinsan, sa kabila ng katandaan nito. Tuwa at awa ang damdaming namayani sa mahal na Ina, dahil alam niyang mahirap sa isang babae na may edad na ang maglihi. Sa pagkakataong ito, nais ng mahal na Ina na makatulong sa kanyang pinsang si Elizabeth. Napuspos naman ng tuwa si Elizabeth, maging ang sanggol sa kanyang sinapupunan, dahil dumalaw sa kanya ang ina ng Panginoon. Ganun na lamang ang malasakit ni Maria sa kanyang pinsang si Elizabeth. Kaya kahit nagdadalantao din, hindi niya inalintana na maglakbay papuntang Juda, upang alagaan at paglingkuran ang pinsang buntis. Mga kapatid,tayo kaya, magagawa ba nating magmalasakit at tumulong sa nangangailangan, kung tayo mismo nangangailangan din ng malasakit at tulong? Madalas kapag may pinagdadaanan tayong suliranin sa buhay – may iniindang karamdaman, baon sa utang, may hindi pagkakaunawaan sa loob ng tahanan, at iba pa – nakatuon lang tayo sa sarili nating problema at hirap. Kaya hindi na natin napapansin ang pangangailangan ng iba, na mas higit pa ang problema kaysa sa atin. Hilingin natin ang tulong panalangin ng Mahal na Birheng Maria at Santa Elizabeth na wag lang ma pokus sa sarili, kundi, maging sensitibo ding tumugon sa pangangailangan ng ating kapwa. Amen.