Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 21, 2020 – LUNES – MGA HULING ARAW NG ADBIYENTO

EBANGHELYO: Lk 1:39-45

Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elisabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elisabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “ Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pingapala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Ariel Garcia ng Diocese ng Tagum ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Mahilig po tayong dumalaw sa ating mga kamag-anak at mga kaibigan. Isa itong mahalagang tradisyon o kultura na nagpapatibay sa ating pamilya at samahan. Ang ating pagdalaw sa kanila ay maaring magbigay ng kasiyahan o kaligayahan at maari din na magdulot ng kalungkutan o inis. Kung ang pagbisita natin ay para lamang makahingi sa kanila, eh, talaga namang maiinis sila, dahil iisa lamang ang ating pakay: Ang makakuha … isang makasariling pag-uugali.// Sa ating Ebanghelyo ngayon, bakit kaya punong-puno ng kasiyahan ang pagtatagpo nina Santa Elisabeth at ng Mahal na Birheng Maria? Pagmamahal at kabutihang-loob ang nag-uumapaw sa kanilang puso at isip. Pinupuna nila ang mga biyaya ng Diyos na kanilang nakikita sa kanilang mga karanasan.// Kapatid, sana kung tayo’y dadalaw sa mga kilalang tao, sa mga kaibigan at kamag-anak, nawa’y taglayin natin ang malinis, mapagmahal at mapagbigay na hangarin at layunin. Sana, hindi  lang pasalubong ang ating bitbit para sa kanila. Dala din sana natin ang ating misyon, na ibahagi sa kanila ang mga ginawa ng Diyos sa ating mga karanasan. O di kaya, tulungan natin sila na makilala ang mga biyaya ng Diyos sa kanilang buhay. Hindi sapat ang mapunan ang pisikal na pangangangailangan ng tao. Higit nating kailangan na mapuno ang ating puso at kaluluwa ng pagmamahal at kaligayang dulot ng Diyos sa atin.// 

PANALANGIN

Panginoon, punuin mo kami ng Iyong Espiritu at pagkalooban ng kagalakan sa paghahanap sa Iyo. Dagdagan Mo po ang aming pananampalataya sa Iyong mga pangako, pag-asa sa kaligayahan ng Langit, at ang pag-ibig sa Iyo bilang lahat-lahat para sa amin. Amen.