Mapagpalang araw ng Martes sa Huling Linggo ng Adbiyento! Tatlong araw na lamang po, Pasko Na! Dakilain natin ang Panginoon sa patuloy Niyang pakikisangkot sa ating buhay at kasaysayan; sa pagdalaw Niya sa atin, sa katauhan ng ating mga kamag-anak, kaibigan at kakilala na nagmamalasakit at nagpapahalaga sa atin. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang Ikalawang misteryo ng Tuwa sa ating Santo Rosaryo – ang pagdalaw ni Maria sa kanyang pinsang si Elisabet, sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata isa, talata tatlumpu’t siyam hanggang apatnapu’t lima.
EBANGHELYO: Lk 1:39-45
Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elisabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elisabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “ Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pingapala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Narci Peñaredonda ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo. Isa sa sukatan natin ng pagpapahalaga ay ang pagdalaw sa ating kapamilya, kaibigan o kakilala at pagdalaw din nila sa atin. Sa ating pagdalaw nais nating magdala ng magandang balita o interesado tayong makibalita. Ang bawat pagdalaw na ating ginagawa ay nagbubunga ng tuwa, hindi lamang sa atin kundi mas higit pa sa taong ating dinadalaw. (Tingnan natin ang mga maysakit, matatanda at may mga pinagdadaanang mabigat na sitwasyon sa kanilang buhay; naluluha sila sa tuwa kapag nakita nila tayo. Ginto para sa kanila ang oras na inilaan natin para sa kanila, at hindi nila ito makakalimutan habang sila’y nabubuhay.) Ang bawat pagdalaw na ating ginagawa ay pagpapadama ng presensiya ng Diyos. Isa itong encounter na namamagitan sa atin, sa ating mahal sa buhay at sa Panginoon. Nakakapaghatid tayo ng presensiya ng Diyos sa ating kapwa. (At naniniwala ako na ang isang mabungang pagdalaw ay pinapangunahan ng Espiritu Santo na siyang nagpapadama sa atin na ang Diyos ang nagdala sa atin sa tahanan at taong ating dinadalaw. Ito ay isang pagkilala na ang Diyos ay tunay na gumagalaw sa ating buhay.)// Nasa ika-anim na araw na tayo ng Simbang Gabi. Narinig natin sa Mabuting Balita ang pagdalaw ni Maria sa kanyang pinsang si Elisabet. Nang magtagpo ang dalawang babae, kapwa sila napuno ng galak: Nagalak si Elisabet dahil sa kaibuturan ng kanyang puso, alam niya na pinagpala ang babaeng kaharap niya. Nagalak si Maria, dahil naibahagi niya kay Elisabet ang balitang, ang dinadala niya sa kanyang sinapupunan ay Anak ng Diyos. Ang dalawang babaeng ito na nagdadalang-tao ay mapalad dahil sila ay bukas sa Espiritu Santo at sa mahiwagang paggalaw nito sa kanilang buhay. Dahil sa kanilang kabukasan, ang pagsilang ng Tagapagligtas ay mangyayari, at matutupad ang makasaysayang pagliligtas ng Diyos sa tao.// Mga kapatid, ipinapaalala sa atin ng Mabuting Balita na ang tunay na galak ay nagmumula sa isang makahulugang encounter o pakikipagtagpo sa Panginoon. Nawa sa ating pakikisalamuha sa ating kapwa, maipadama natin sa kanila ang presensiya ng Diyos sa pamamagitan ng ating kilos at salita.