Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 21, 2023 –HUWEBES SA MGA HULING LINGGO NG ADBIYENTO

BAGONG UMAGA

Magandang buhay ginigiliw kong kapatid kay Kristo!  Huwebes ngayon sa mga Huling araw ng Adbiyento. Tatlong tulog na lang, Pasko na!  Masasabi mo bang handang-handa ka na spiritually sa pagdating ng Panginoon?  (Nakapagsuri na ng budhi at nakapagsisi ng kasalanan, nakapag attend ng advent recollection online or onsite, at kinatagpo ang mga kapatid nating kapus – sa pagmamahal at sa mga bagay na materyal.) Anuman ang iyong ginawang paghahandang espiritwal, pakatandaan natin ng ang Diyos pa rin ang nagbibigay kahulugan ng ating Pasko, dahil Siya ang dahilan kung ba’t nagdiriwang tayo ng Pasko. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang tagpo ng Visitation, ang pagdalaw ni Maria sa Kanyang pinsang si Elizabeth, sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata isa, talata tatlumpu’t siyam hanggang apatnapu’t lima.

EBANGHELYO: Lk 1:39-45

Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elisabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elisabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “ Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pingapala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Keiv Aires Dimatatac ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ang pasko ay panahon ng pakikipag tagpo. Pakikipagtagpo sa ating mga kapamilya sa pagdiriwang ng kapaskuhan. Pakikipagtagpo sa mga kaibigan, upang magbigayan ng regalo at makipag kumustahan. At higit sa lahat pakikipag tagpo ng Diyos at ng tao, ang pinakadiwa ng kapaskuhan. Sa mga pakikipagtagpo na ito mas lumalalim ang ating pagsasama sa pamamagitan ng kwentuhan at tawanan. Dito din nagkakaroon ng daan ang pagkakasundo at pagpapatawad. At dito din mas nauunawaan natin at nadarama ang misteryo ng Pasko, ang misteryo ng pakikipagtagpo.  Mga kapatid, narinig natin sa ating Ebanghelyo ang pangalawang misteryo ng tuwa, ang pagbisita ni Maria sa kanyang pinsang si Elizabeth. Nagmamadaling tumungo si Maria kay Elizabeth. At dito nakita nating ang pagtatagpo ng dalawang babae, na nakaranas ng misteryo ng Diyos sa kanilang buhay. Ang pagtatagpo ng dalawang babae, na tumugon sa paanyaya mula sa Diyos. At pagtatagpo din ng dalawang babae na kapwa nagdadalang tao sa kanilang sinapupunan.  Marahil sa kabila ng pagtanggap ni Maria at Elizabeth sa paanyaya ng Diyos sa kanila buhay, may mga aspeto pa din na hindi nila maunawaan. Kaya narito silang dalawa na nakikibahagi sa saya, hapis at misteryo na nagaganap sa kanila.  Sa pagtatagpong ito mas nagkakaroon ng kabuluhan ang kanilang kasiyahan, nagkakaroon sila ng karamay sa hirap at pagkalito. At lumalalim ang kanilang pang-unawa sa misteryo ng Diyos. Nawa mga kapatid sa ating pakikipagtagpo ngayong kapaskuhan, maging pagtatagpo ito, kung saan nakikibahagi tayo sa saya ng bawat isa at higit sa lahat mas nauunawaan natin ang misteryo ng ating ipinagdiriwang. At kasama si Maria, halina’t tumungo kung saan maibabahagi natin ang Diyos sa iba.