Ebanghelyo: Lucas 1,39-45
Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan! Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinasabi sa kanya ng Panginoon.”
Pagninilay:
Nagbahagi po si Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul sa ating pagninilay.
Naranasan na po ba ninyong maging abala dahil may darating na espesyal na bisita? ‘Yong excited ka sa paglilinis ng bahay at ikakabit ang pinakamagandang kurtina? Iisiping mabuti kung ano ang pagkaing ihahanda para sa parating na bisita? Mga kapanalig, narinig natin sa Ebanghelyo ngayon na nagmamadali ang Birheng Mariang nagtungo sa bahay ng kanyang pinsang si Isabel. Ito’y upang tulungan ang kanyang pinsan na nagdalantao sa kabila ng kanyang katandaan. Batid ng Mahal na Birhen na sa sitwasyon ni Isabel, ay hindi madali ang kanyang nararanasan. Nagmadali ang ating Mahal na Inang Birhen hindi lang para tumulong, kundi upang ibahagi rin sa kanyang pinsan ang mabuting balita na magiging ina siya ng Tagapagligtas na matagal na nilang hinihintay. Ngunit bago pa man siya makapagsalita, sumikad na ang sanggol sa sinapupunan ni Isabel. Gayon na lamang ang kagalakan ng magpinsan na parehong naging ina dahil walang imposible sa Diyos.
Ipinakita ni Maria na likas sa kanya ang pagmamahal, pagkalinga at pagtulong. Ngunit pinuri siya ni Isabel at kinilalang pinagpala dahil nanalig siya sa sinabi ng Panginoon. Sa ating paghahanda sa kapaskuhan, kasama ba ang pakikinig sa salita ng Diyos at pag-uusisa ng ating kalooban upang marapat natin salubungin ang kanyang pagsilang? Harinawang maghari siyang ganap sa ating puso, upang tulad ni Mariang ating Ina, ay mapuspos tayo ng pagpapala. Amen.