LUCAS 1:46-56
Sinabi ni Maria: Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi. Para sa mga pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. Pinatalsik niya sa luklukan ang mga may makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom, at itinaboy ng walang-wala ang mga mayayaman. Nilingap niya nag Israel ng kanyang lingkod. Inialaala ang kanyang awa ayon sa ipinako Niya sa ating mga ninuno, Kay Abraham at kanyang angkang magpakilanman.” Mga tatlong buwan nanatili si Maria kasama si Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
PAGNINILAY
Mga kapanalig, kung paanong nakapasok ang kamatayan sa daigdig sa pamamagitan ng kapalaluan nina Adan at Eva, pumasok naman ang Buhay sa pamamagitan ng kababaang-loob ni Maria. Ayon sa Lumen Gentium bilang anim, ito ang dahilan kung bakit sinasabi na pagkatapos ng Konsilyo sa Efeso, umusbong sa kamangha-manghang paraan ng pagpupugay at pag-ibig, ang paggalang ng bayan ng Diyos kay Maria. Ang mga katagang sinambit ni Maria sa Magnificat, hango sa Banal na Kasulatan, na siyang batayan ng ating debosyon sa kanya. Ang Magnificat, isang awit ni Maria na mabubuod sa dalawang dakila at mahalagang bagay. Ang unang bahagi, naglalaman ng mga dakilang bagay na ginawa ng Diyos sa kanya, at kung paanong nilingap siya ng Diyos sa gitna ng kanyang abang kalagayan. Ang ikalawang bahagi naman, isang propesiya tungkol sa mga bagay na gagawin pa ng Diyos sa bayang Israel ayon sa Kanyang ipinangako. Mga kapanalig, madalas nating marinig, na kung ano daw ang tibok ng dibdib, siya ring sinasambit ng bibig. Sa awit ni Maria, inilalarawan ang isang pusong punong-puno ng kagalakan at pasasalamat dahil sa kabutihang-loob ng Diyos. Kapanalig, sa’yong pang-araw-araw na buhay paano mo ipinakikita ang pasasalamat sa mga mabubuting bagay na ginawa sa’yo ng Diyos? Panginoon, sikapin ko nawang mamuhay lagi sa pasasalamat sa pamamagitan ng pagiging masayahin, pagiging positibo sa gitna ng pagsubok at bukal na pagtulong sa mga nangangailangan. Amen.