Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 22, 2019 – IKA-4 NA LINGGO NG ADBIYENTO

EBANGHELYO: Mt 1:18-24

Ito ang pangyayaring napaloob sa kapanganakan ni Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, nagpakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya sa isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan. Nangyari ang lahat ng ito npara matuppad ang sinabi nga ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y Nasa-atin ang-Diyos.” Kya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Bro. Jerome Ypulong ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Tayong mga Pilipino, sa tuwing may pinagdadaanang problema o suliranin, madalas nating sabihin ang mga salitang “ipinapasa-Diyos ko na ito,” o `di kaya “Si Lord na ang bahala.” Pagpapasa Diyos, isang pagpapahayag ng pananampalataya na kahit gaano man kabigat o katindi ng suliraning pinagdadaanan, ipinapa-ubaya natin sa Diyos ang ating mga problema. Ganitong eksena ang ating natunghayan sa ebanghelyo ngayong ika-apat na Linggo ng Adbiyento. Pinaplano ni Jose na hiwalayan si Maria, pinag-isipan niyang husto ang kanyang gagawing paghihiwalay rito. Pero, nagpakita ang anghel ng Panginoon sa kanyang panaginip, na nagsasabing tanggapin niya ang dinadala ni Maria, dahil ang sanggol na ipinagbubuntis niya ay ang Tagapagligtas. Mga kapatid, ang pagtitiwala ni Jose at ang pagpapasa-Diyos niya ng problemang kinakaharap, ang siyang nagdala sa kanya ng kaligtasan at kapayapaan ng kalooban! Nawa, sa nalalapit na Pasko matularan natin si San Jose na, bagama`t nababagabag ng maraming problema, matatag na nanampalataya na hindi tayo pababayaan ng Diyos. Tiwala at pananampalataya sa Diyos ang puhunan upang makamtam ang ninanais na kapayapaan ng kalooban. Amen.