Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 22, 2020 – MARTES – MGA HULING LINGGO NG ADBIYENTO

EBANGHELYO: Lk 1:46-56

Sinabi ni Maria:

Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon

at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking tagapagligtas

dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya,

       at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi.

Dakila nga ang ginawa sa akin ng May kapangyarihan,

        banal ang kanyang Ngalan.

Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi.

        para sa mga may pitagan sa kanya.

Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig,

        Ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak.

Pinatalsik niya sa luklukan ang mga may kapangyarihan,

        itinampok naman ang mga balewala.

Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,

       at itinaboy namang walang-wala ang mga mayayaman.

 Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod,

        Inalala ang kanyang awa

Ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno,

         Kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailan man.”

Mga tatlong buwan nanatili si Maria kasama ni Eelizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.

PAGNINILAY

Isinulat ni John Alfred Rabena ang pagninilay sa Ebanghelyo. (“For better or for worse, for richer or for poorer, in sickness and in health, in poverty and in wealth…” ‘Yan  ang mga salitang napapaloob sa sumpaan ng mag-asawa sa araw ng kanilang kasal. Nangangako sila sa isa’t isa na maglalakbay silang magkasama, anumang pangyayari ang maganap sa kanilang buhay.) // Sa ating pagharap ngayon sa corona virus pandemic at sunod-sunod na bagyong nanalasa sa ating bansa kamakailan, tila napakahirap magpuri, magpasalamat, at manatili sa presensya ng Diyos dahil sa mga karanasang hindi natin inaasahang mangyari. (It seems that it is difficult to give praise and to give thanks when we experience the worse, when we become poorer, when we fall into sickness and poverty.) Marami sa atin ang nawawalan ng panlasa at ganang magbunyi sa Panginoon sa gitna ng gutom, karukhaan, at karamdaman.// Pero hindi iyan ang ipinahihiwatig ng awit ng Birheng Maria. Sa pagbubunyi at pag-awit ng kagalakan, ipinamalas ni Maria na ang Diyos ay Emmanuel—ang Diyos ay kasama natin(—nasa itaas man tayo ng gulong o maging sa ibaba.) Siya ang Diyos na may hawak sa buong daigdig at sa buong kasaysayan. Siya ang namamahala sa paglago at pagbagsak ng tao. Walang aspeto ng ating buhay ang makatatakas sa Kanyang pangangalaga.// Kaya lagi nating tatandaan na may pagtatanging inilalaan ng Diyos sa mga mahihirap at mapagpakumbaba. Nahuhumaling ang Panginoon sa mga mapagpakumbaba tulad ni Maria dahil bukas-palad ang kanilang tiwala at pananalig sa Kanya. Parati silang inaalala ng Diyos dahil sa Kanyang pangakong kaaawaan Niya ang sinumang nananalig sa Kanya—anumang kasaganaan o pagsubok ang ihahandog ng buhay.// 

PANALANGIN

“O Diyos na maawain, alalahanin Mo ang Iyong habag at pagtangi sa Iyong mga anak na buong-pusong nananalig Sa’yo. Nagpapasalamat at nagbubunyi po Kami sa Iyong Banal na Pangalan, sa panahon ng kasaganaan at karalitaan, sa hirap at ginhawa. Amen.”