Mapayapang araw ng Miyerkules sa Huling Linggo ng Adbiyento. Pasalamatan natin ang Diyos sa mga kaganapan sa ating buhay na nagdudulot sa atin ng sobrang kagalakan, lalo na ngayong nalalapit na ang Pasko. Tanda ng pagpapala at kagandahang-loob ng Diyos sa atin. Kaya napapaawit tayo sa sobrang tuwa. Katulad ng naging karanasan ng ating Mahal na Inang si Maria sa ebanghelyo ngayon. Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Lukas kabanata isa, talata apatnapu’t anim hanggang Limampu’t anim.
EBANGHELYO: Lk 1:46-56
Sinabi ni Maria:
Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon
at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking tagapagligtas
dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya,
at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
Dakila nga ang ginawa sa akin ng May kapangyarihan,
banal ang kanyang Ngalan.
Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi.
para sa mga may pitagan sa kanya.
Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig,
Ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak.
Pinatalsik niya sa luklukan ang mga may kapangyarihan,
itinampok naman ang mga balewala.
Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
at itinaboy namang walang-wala ang mga mayayaman.
Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod,
Inalala ang kanyang awa
Ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno,
Kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailan man.”
Mga tatlong buwan nanatili si Maria kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Ms. Marissa Manigbas ng Institute of our Lady of Annunciation o IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo. Malapit na ang pasko at lahat tayo’y nagagalak! Sa ating Mabuting Balita, makikita natin ang kagalakan ng Puso ng ating Mahal na Ina. (Nasabi niya, “Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon, at ang aking espiritu’y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas, sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin! Mula ngayon, ang lahat ng tao’y tatawagin akong mapalad;) Sa sobrang galak ni Mama Mary napaawit sya. Hindi ito naiiba sa ating karanasan, tayo rin ay napapakanta o napapatula kung punong-puno ng kagalakan ang ating mga puso. Siguro kung makakatanggap ka ng regalo ngayong pasko na gustong-gusto mo, marahil aawit at sasayaw ka pa sa tuwa.// Pero, hindi lamang kagalakan ang pinapahayag sa Mabuting Balita, binibigyan din tayo ng Mahal ng Ina ng “tip” kung papaano rin tayo maging mapalad sa buhay natin. Marahil ito ang pagiging simple at puno ng kagalakan sa ating puso. Sa puso natin nagmumula ang lahat. Ang laman ng puso natin ang nagbibigay kahulugan kung sino tayo bilang tao. Kung ang puso natin ngayon ay puno ng kalungkutan at hapis, makikita ito sa ating kilos at pakikitungo sa kapwa; gayundin naman, kung ang puso nati’y puno ng pag-asa at pananalig sa Diyos, makikita din ito sa ating mga kilos at pakikitungo sa kapwa.// (Mga kapanalig, ano ba ang laman ng ating mga puso ngayong darating na Pasko? Ano rin kaya ang makapagpapasaya sa atin?// Tandaan natin, upang maging mapalad sa buhay nating ito, magpasalamat tayo sa lahat ng biyaya malaki man o maliit, wag din natin kalilimutan na walang imposible sa Diyos, may nakalaan ang Diyos para sa atin.// Ikaw kapanalig, may mga biyaya at pagpapala ka bang natanggap ngayong taon na ito? Baka naman pwede mo itong isulat bilang iyong espesyal na regalo sa ating Panginoon Hesus sa kanyang sabsaban ngayong Pasko.)