Daughters of Saint Paul

Disyembre 23, 2017 Sabado sa Mga Huling Linggo ng Adbiyento

LUCAS 1:57-66

Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng kanyang kapitbahay at mga kamag-anakan na nagdadalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya. Nang ikawalong araw na, dumating sila upang tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya nga kanyang ama. Sumagot naman ang kanang ina: “Hindi, tatawagin siyan Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng masusulatan, at sa pagtataka ng lahat ng kanyang isinusulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa boung mataas na lupain ng Juda. Nag-isip-isip ang mga naririnig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?“ Dahil sumasakanya talaga ang kamay ng Panginoon.

PAGNINILAY:

Narinig natin sa Ebanghelyo ang tagpo ng panganganak ni Elizabeth at kung papaanong ang pagsilang niya kay Juan, nag-alis ng kahihiyan sa kanilang mag-asawa. Ang pagpapangalan ng kanilang anak, nagpapahiwatig na ang pagtubos, maaaring dumating sa hindi inaasahang paraan.  Hindi inaasahang paraan ang panganganak ni Elizabeth ng isang lalaki, at ang pagbibigay ni Zacarias ng pangalang “Juan” sa kanya. Ang pangalang Juan, mula sa salitang Hebreo “Yohanan” na nangangahulugang “Mabuti si Yawe”.  Juan nga ang ibinigay na pangalan sa sanggol dahil naging mabuti ang Diyos kina Zacarias at Elizabeth.  Si Juan, regalong mula sa Diyos.  Dahil kay Juan, ang mag-asawang Zacarias at Elizabeth, naligtas sa kahihiyan.  Sa panahon kasing iyon, ang di panganganak, isang uri ng parusa. Kaya naman labis ang kagalakan nina Zacarias at Elizabeth dahil naging mabuti ang Diyos sa kanila. Mga kapanalig, ang pagsilang kay Juan at ang pagsilang kay Jesus na Mesiyas, patunay na  ang pagpapala ng Diyos, magliliwanag  sa mundo na sinira ng kasalanan, kamatayan at kawalan ng pag-asa.  Ngayong nalalapit na ang Pasko, idalangin natin na pagkalooban tayo ng Diyos ng pusong marunong magpasalamat sa mga kabutihan at kagandahang loob Niya sa atin.  Maipahayag nawa natin ang taos-pusong pasasalamat sa Kanya sa pamamagitan ng kabutihan at kagandahang-loob din na ibinabahagi natin sa kapwa.  At  Katulad nina Zacarias at Elizabeth, mapuspos nawa ng pasasalamat ang ating puso sa maraming pagkakataong nagdala ng habag sa atin ang Diyos.