EBANGHELYO: Lk 1:57-66
Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng mga kapitbahay at mga kamag-anakan kung gaano nagdalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya. Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: ”Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng isang sulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang sinulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang mga kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas ma lupain ng Juda. Nag-isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanya ngang talaga ang kamay ng Panginoon.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Nina Lorilla ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Napakalaking kagalakan para sa mga magulang ang mabiyayaan ng isang sanggol. Minsan pa nga, ang pagdating ng sanggol sa mag-asawa, nagdudulot ng conversion sa kanila. Sumi-seryoso sila sa buhay at nagsusumikap na maging mabuting mga magulang. Sa ebanghelyo ngayon, malaking kagalakan ang naramdaman ng mag-asawang Elizabeth at Zacarias. Mahabang panahon ang kanilang hinintay, bago sila nabiyayaan ng anak. Kaya ang pagsilang sa batang Juan, naging tanda ng pagkalugod ng Diyos sa kanila. Patunay ito na ang Diyos, naging tapat sa kanyang mga pangako. Sa grasya ng Diyos, bahagya nilang naunawaan na may espesyal na papel ang kanilang anak sa Kanyang plano. Ihahanda ni Juan ang mga tao sa pagtanggap kay Hesus. Mga kapatid, regalo mula sa Diyos ang inyong mga anak at may magandang plano ang Diyos para sa kanila. Ngayong Pasko, wag nawa nating kalilimutang pasalamatan ang batang Jesus sa bigay na regalong hindi kayang higitan, ang biyaya ng inyong mga anak. Amen.