Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 23, 2021 – HUWEBES – MGA HULING LINGGO NG ADBIYENTO | San Juan de Kanty

Isang pinagpalang araw ng Huwebes sa Huling Linggo ng Adbiyento!  Kamusta po kayo?  Sana’y nasa mabuti kayong kalagayan, at puspos ng kagalakan at pananabik ang puso ngayong malapit na ang Pasko.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Masaya ka ba sa tuwing may bagong sanggol na isinisilang sa iyong pamilya?  Bago po natin ito sagutin, pakinggan muna natin ang Mabuting Balita mula kay San Lukas kabanata isa, talata limampu’t pito hanggang Animnapu’t anim.

EBANGHELYO: Lk 1:57-66

Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng mga kapitbahay at mga kamag-anakan n’ya kung gaano nagdadalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya. Nang ikawalong araw na, dumating sila upang tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng isang sulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinusulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nag-isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” dahil sumasakanyang talaga ang kamay ng Panginoon.

PAGNINILAY

Isinulat ni Siony Japzon Ramos ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo.  Isang malaking biyaya at katuwaan ng pamilya pag may bagong silang na sanggol.   Narinig nating isinasalaysay sa ebanghelyo ngayon, ang pagsilang kay Juan Bautista at ang pag binyag sa kanya. Sa kapanahunan ni Juan Bautista, a child is baptized on the 8thday after birth at kapangalan ng ama o galing sa angkan nila. Kakaiba si Juan dahil ang Diyos ang nagbigay ng kanyang pangalan, na ang ibig sabihin, “God is gracious” dahil ipinanganak siya sa kabila ng katandaan ng kanyang mga magulang. May nakalaan ang Diyos na mahalagang misyon kay Juan Bautista. Mga kapatid, ang Diyos ay may plano na sa bawat batang isinisilang at ganun din sa atin. Naalala ko noong isilang ang aming apong babae, July, 2020. Panahon ng Pandemya kaya’t sadyang mahirap ang sitwasyon lalong-lalo na, parehong affected ng covid 19 ang kanyang mga magulang. Pero napalitan ng malaking tuwa at kasiyahan nang araw na isinilang ito. Tunay nga, ang mga bata ang nag-bibigay buhay at saya sa pamilya. Katulad nina Elisabet at Zacarias na pinaghandaan din ang pagbigay ng pangalan at pagbinyag sa bata. Ang bawat bata na isinisilang ay may kasamang biyaya at misyon na pinagtitibay ng binyag. Ipanalangin natin ang mga bata, na nawa’y lumaki silang nahubog ng kagandahang asal na may pananampalataya at pag-ibig sa Diyos.// 

PANALANGIN

Maraming Salamat po, Panginoon, sa malaking biyayang bigay Mo, sa bawat bata isinisilang sa aming mga pamilya. Bless every family, so that like John the Baptist, we may be able carry and fulfill our mission. Amen.