Daughters of Saint Paul

Disyembre 23, 2024 – Lunes Ika-23 ng Disyembre (Simbang Gabi)

Ebanghelyo:  Lucas 1,57-66

Nang sumapit ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anakan, nagdalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya. Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto nitong itawag dito. Humingi siya ng masusulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nag-isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanya talaga ang kamay ng Panginoon.

Pagninilay:

Kapag iniluwal ang sanggol, ang pinakaunang tanong sa mga magulang ay kung ano ang pangalan nito. Madalas, isinusunod sa pangalan ng ama o kahit sinumang miyembro ng pamilya. Minsan naman, binubuo ang pangalan sa pamamagitan ng tambalan ng mga pangalan ng ina at ama. Halimbawa, “Jomar” para sa tambalang Jose at Maria. Pero sa Pilipinas, maliban sa dalawang unang nabanggit, tila madalas ipinapangalan ang bata sa isang karakter ng palabas tulad ng “Tanggol” para sa Batang Quiapo o ‘di kaya’y “Dyesebel” na pangalan mismo ng pelikula. Kaya naman sabi ni Mario Limos sa Esquire Magazine, walang limitasyon ang pagpapangalan sa isang bata dito sa Pilipinas. Sa katunayan, ipinakita niya ang Birth Certificate ng isang batang nagngangalang “Covid Bryant” na isinilang noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic taong 2020.

Pero ano nga ba ang gampanin ng pangalan sa buhay ng tao? Ang pangalan ay bahagi ng ating pagkakakilanlan. Sa ating pangalan, natutukoy tayo bilang isang natatanging indibidwal sa lipunan, at nabibigyang-diin ang ating pagkakaiba-iba. Sa ebanghelyo tungkol sa kapanganakan ni Juan Bautista, ipinapakita ang kahalagahan ng pangalan. Higit pa ito sa simpleng pagkakakilanlan. Sinunod nina Elizabeth at Zacarias ang utos ng Diyos at pinangalanan siyang “Juan” na ang ibig sabihin ay “ang Diyos ay mapagbigay.” Sa pangalan pa lang, itinakda na ang espesyal na papel ni Juan sa plano ng Diyos. Hindi lang simpleng etiketa ang pangalan. Nagdadala ito ng kuwento, pag-asa, at hangarin. Katulad ni San Juan Bautista, ang bawat pangalan ay may dalang misyon at mga pangarap mula sa pamilya. Napapaloob sa pangalang napili ang inaasam na magampanan ng anak sa kanyang buhay. Isa na rito ang maipakilala ang habag at pagmamahal ng Diyos.