LUCAS 1:26-38
Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng Birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot , Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo'y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus . Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailaman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel.
PAGNINILAY
Mga kapanalig, may plano ang Panginoon sa bawat isa sa atin. Ang maging tunay na mga anak ng Diyos. Pero bago mangyari ito, kailangan nating “pumirma sa kontrata,” – ang aktibong makiisa sa Panginoon sa Kanyang gawaing pagliligtas. Katulad ng narinig natin sa Ebanghelyo, naging bahagi ng plano ng Diyos ang pagpapadala sa kaisa-isang Anak at ipinanganak siya sa isang pamilya. Mapagkumbabang lingkod ng Diyos ang mga naging magulang ni Jesus sa lupa. Si San Jose na isang abang karpintero, at si Maria, ang Birheng Ina ng Diyos. Hindi perpekto ang naging takbo ng buhay ng Banal na Pamilya. Marami silang hinarap na pagsubok. Sa kabila ng mga ito, naging bukas sila sa banal na kalooban ng Diyos; nagtiwala at higit sa lahat, tumalima sa Diyos. Iyan din ang araw-araw na panawagan sa atin ng ebanghelyo – ang maging bukas sa mahiwagang pagkilos ng Diyos sa ating buhay, lubos na magtiwala sa Kanyang kagandahang loob at tumalima sa Kanyang kalooban, kahit hindi natin natatanaw kung saan tayo dadalhin ng ating pananalig. Hilingin natin sa Banal na Pamilya ang kanilang paggabay sa atin, lalo’t higit sa ating mga pamilya. Jesus, Maria, Jose ilapit ninyo po ang aming pamilya sa Diyos Amang maawain.