EBANGHELYO: Lk 1:67-79
Napuspos ng Espiritu Santo si Zacarias at nagpropesiya nang ganito:
Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, dahil nilingap niya at tinubos ang kanyang bayan.
Mula sa sambahayan ni David na kanyang lingkod, ibinangon niya ang magliligtas sa atin, ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng mga banal niyang propeta: kaligtasan mula sa ating mga kaaway at sa kamay ng mga namumuhi sa atin. Nagpakita siya ng awa sa ating mga ninuno at inalaala ang banal niyang tipan, ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham na ililigtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway, upang walang takot natin siyang mapaglingkuran, nang may kabanalan at katarungan sa harap niya sa buong buhay natin. At ikaw naman na munti pang anak ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan. Mangunguna ka nga sa Panginoon para ihanda ang kanyang daan. Ituturo mo ang kaligtasan sa kanyang bayan sa pagpapatawad niya sa kanilang mga sala. Ito ang gagawin ng maawain nating Diyos sa pagpapasikat niya sa atin ng araw na galing sa kaitaasan. Upang liwanagan ang mga nananatili sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan, at akayin ang ating mga yapak sa daan ng kapayapaan.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Bro. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Kumakanta ka din ba? Noong nagpaulan ang Diyos ng kagandahan ng boses, isang baso lang siguro ang nasalo ko. Sa kultura nating mga pinoy pag may birthday o kahit ano mang okasyon, kadalasan laging present ang Karaoke. Ang pagkanta sa ating kultura ay pagsasalarawan ng ating mga gawain, pero, madalas ito’y uri ng pagpapahayag ng natatangi nating emosyon. Sa Ebanghelyong ating narinig ipinahayag ni Zacarias ang kanyang natatanging emosyon at nadarama. Siya’y nagpasalamat sa kabutihang loob at katapatan ng Diyos, noong una pa man, sa kasalukuyan at sa hinaharap. Tinupad ng Diyos ang pangako niyang kaligtasan para sa mga taong nakalugmok sa dilim at anino ng kamatayan. Mga kapatid, kailan ka ba huling umawit? Kailan ka ba huling namangha sa katapatan at mabuting kalooban ng Diyos? Mangibabaw nawa sa atin ang kagalakan dahil tunay at tapat ang Pangako sa atin ng Diyos, tanaw na natin ang liwanag. Halina Hesus, Halina!