EBANGHELYO: Lk 1:67-79
Napuspos ng Espiritu Santo ang ama niyang si Zacarias at nagpropesiya ng ganito:
“Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
dahil nilingap niya at tinubos ang kanyang bayan.
Mula sa sambayanan ni David na kanyang lingkod,
Ibinangon niya ang magliligtas sa atin,
Ayon sa ipinangako niya noong una
Sa pamamagitan ng mga banal niyang propeta:
Kaligtasan mula sa ating mga kaaway at sa kamay ng mga namumuhi sa atin.
Nagpakita siya ng awa sa ating mga ninuno
At inaalala ang banal niyang tipan,
Ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham
Na ililigtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway,
Upang walang takot natin siyang mapaglingkuran,
Nang may kabanalan at katarungan sa harap niya sa buong buhay natin.
At ikaw naman na munti pang anak ay tatawaging propeta ng kataas-taasan.
Mangunguna ka nga sa Panginoon para ihanda ang kanyang daan.
Ituturo mo ang kaligtasan sa kanyang bayan
sa pagpapatawad niya sa kanilang mga sala.
Ito ang gagawin ng maawain nating Diyos sa pagpapasikat niya sa atin
ng araw na galing sa kaitaasan.
Upang liwanagan ang mga nanatili sa kadiliman
at sa lilim ng kamatayan, at aakayin ang ating mga yapak
sa daan ng kapayapaan.”
PAGNINILAY
Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., director ng biblical apostolate ng Archdiocese ng Manila. Sa Ebanghelyo, napakinggan natin kung papaanong umawit ng papuri sa Diyos si Zacarias, ang ama ng bagong silang na si Juan, dahil naging saksi siya sa katuparan ng pangako ng Diyos: “Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas, mula sa angkan ni David. Tulad ng ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta”.// Ang Diyos ay marunong tumupad sa kanyang mga pangako! Sa kanyang kagandahang loob, tinupad ng Diyos ang kanyang pangakong kaligtasan at liwanag para sa kanyang bayan. Magsilbi din sana itong hamon para sa atin. Katulad nang ating Panginoong Diyos, matuto sana tayong maging tapat sa mga pangakong ating binibitawan. Pangunahin na rito ang mga pangako ng ating binyag: ang laging tumalikod sa kasalanan at laging sumampalataya sa Diyos ng Pag-ibig. (Ang mga mag-asawa nawa ay laging tumupad sa pangako ng kanilang kasal. Gayundin ang mga pari at relihiyoso, lagi nawa nilang isabuhay ang pangako ng banal na orden at ng kanilang panata.)// Sa pagpasok natin sa Panahon ng Kapaskuhan mamayang gabi, sa pagtunghay natin sa batang sanggol na siyang katuparan ng pangako ng Ama, hilingin natin sa Diyos na tayo ay maging katulad Niya: mga Kristiyanong marunong tumupad sa kanilang mga pangako. Maligayang Pasko sa ating lahat!